Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 27:27-44

Mga Gawa 27:27-44 RTPV05

Pagkalipas ng dalawang linggo sa gitna ng dagat, napadpad kami sa Dagat Mediteraneo. Nang Maghahating-gabi na, napuna ng mga marinero na nalalapit na kami sa pampang. Sinukat nila ang tubig at nakitang may apatnapung metro ang lalim nito; at pagsulong pa nila nang bahagya ay muli nilang sinukat, at nakitang may tatlumpung metro na lamang. Sa takot na sumadsad kami sa batuhan, inihulog nila ang apat na angkla sa hulihan ng barko at ipinanalanging mag-umaga na sana. Tinangka ng mga marinero na tumakas mula sa barko kaya't ibinabâ nila sa tubig ang bangka, at kunwari'y maghuhulog ng angkla sa unahan. Ngunit sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kapag hindi nanatili sa barko ang mga taong iyan, hindi kayo makakaligtas.” Kaya't nilagot ng mga kawal ang lubid ng bangka at hinayaan itong mahulog. Nang mag-uumaga na, silang lahat ay hinimok ni Pablo upang kumain. “Labing-apat na araw na ngayong kayo'y hindi kumakain dahil sa pagkabalisa at paghihintay. Kumain na kayo! Kailangan ninyo ito upang kayo'y makaligtas. Hindi maaano ang sinuman sa inyo!” At pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain. Lumakas ang loob ng lahat at sila'y kumain din. Kaming lahat ay 276 katao. Nang mabusog sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko. Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, ngunit hindi nila alam kung anong lugar iyon. Napansin nila ang isang dalampasigan, at binalak nilang igawi doon ang barko kung maaari. Kaya't pinutol nila ang tali ng mga angkla at iniwanan ang mga ito sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng timón at itinaas ang layag sa unahan upang ang barko'y itulak ng hangin papunta sa dalampasigan. Ngunit nasadsad ang barko sa parteng mababaw. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Samantala, ang hulihan naman ay nawasak dahil sa kahahampas ng malalakas na alon. Binalak ng mga kawal na patayin ang mga bilanggo upang walang makalangoy at makatakas. Subalit nais ng kapitan ng mga kawal na iligtas si Pablo kaya pinagbawalan nito ang mga kawal. Sa halip, pinatalon niya sa tubig ang lahat ng marunong lumangoy upang makarating sa pampang. Ang iba'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o piraso ng barko. At kaming lahat ay nakarating sa dalampasigan.