Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 10:1-23

Mga Gawa 10:1-23 RTPV05

Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. Siya ay isang debotong tao. Siya at ang buo niyang pamilya ay sumasamba sa Diyos. Siya'y matulungin sa mga Judio at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.” Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?” Sumagot ang anghel, “Kinalulugdan ng Diyos ang iyong mga dalangin at ang pagtulong mo sa mahihirap. Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.” Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa. Kinabukasan, samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan upang manalangin. Bandang tanghali na noon. Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! tumindig ka, magkatay ka at kumain.” Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi.” Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon. Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman sa lunsod ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at pagdating doon ay tumawag sila sa may pintuan. Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.” Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” Sumagot ang mga lalaki, “Kami'y pinapunta dito ni Kapitan Cornelio. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo at pakinggan ang sasabihin ninyo.” Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon. Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Gawa 10:1-23