Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 1:12-26

Mga Gawa 1:12-26 RTPV05

Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lunsod. Pagdating sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. Lagi silang nagsasama-sama sa pananalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus; gayundin ang mga kapatid ni Jesus. Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may 120 kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.” Ang kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo. Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa Aklat ng mga Awit, ‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan, at huwag nang tirhan ninuman.’ Nasusulat din, ‘Ibigay sa iba ang kanyang tungkulin.’ “Kaya't dapat tayong pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit.” Kaya't pumili sila ng dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili upang maging apostol na gaganap sa tungkuling tinalikdan ni Judas nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.” Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ang nadagdag sa labing-isang apostol.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Gawa 1:12-26