Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga debateng walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan. Iwasan mo ang mga usapang malalaswa at walang kabuluhan, sapagkat ang mga iyan ang nagiging dahilan ng pagtalikod ng mga tao sa Diyos. Ang mga katuruan nila'y parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga taong ito ay sina Himeneo at Fileto. Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. Ngunit matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Nakikilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.” Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw. Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain. Kaya nga bilang isang kabataan, iwasan mo ang masasamang pagnanasa, subalit pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis at tumatawag sa Panginoon. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pakikipagdebate sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. Ang lingkod ng Diyos ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabuti sa pakikitungo sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling marapatin ng Diyos na sila'y magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan upang makilala nila ang katotohanan. Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag at umalipin sa kanila.
Basahin 2 Timoteo 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 2 Timoteo 2:14-26
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas