Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan.” Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. Tatlumpung taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda. Nang siya'y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.” Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Zion at ito'y tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon. Bago iyon nangyari ay sinabi ni David, “Sinumang may gustong sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat sa daluyan ng tubig at patayin ang mga kawawang bulag at pilay na iyon.” Doon nagmula ang kawikaang, “Walang bulag o pilay na makakapasok sa templo ni Yahweh!” Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol. Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Si Haring Hiram ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Pagkatapos, nagpadala siya ng mga kahoy na sedar at mga karpintero at kanterong gagawa ng palasyo ni David. Noon natiyak ni David na ang pagiging hari niya sa Israel ay pinagtibay na ni Yahweh at ginawang maunlad ang kanyang kaharian alang-alang sa bayang Israel. Paglipat niya sa Jerusalem buhat sa Hebron, siya ay kumuha pa ng maraming asawa at asawang-lingkod. Nadagdagan pa ang kanyang mga anak. Ito ang mga anak niya roon: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia, Elisama, Eliada at Elifelet.
Basahin 2 Samuel 5
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 2 Samuel 5:1-16
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas