Pagkatapos ay pumaroon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, na nagsasabi, “Kami ay iyong buto at laman.
Sa nakaraang panahon, nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang nangunguna at nagdadala sa Israel. Sinabi ng PANGINOON sa iyo, ‘Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel at ikaw ay magiging pinuno sa Israel.’”
Kaya't pumunta ang lahat ng matatanda sa Israel sa hari na nasa Hebron; at si Haring David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng PANGINOON at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel.
Si David ay tatlumpung taong gulang nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y nagharing apatnapung taon.
Sa Hebron ay naghari siya sa Juda ng pitong taon at anim na buwan; at sa Jerusalem ay naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon sa buong Israel at Juda.
Ang hari at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na naninirahan sa lupain, na nagsabi kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kundi ang mga bulag at pilay ang hahadlang sa iyo,” na iniisip, “Si David ay hindi makakapasok dito.”
Gayunma'y sinakop ni David ang kuta ng Zion na siyang lunsod ni David.
Sinabi ni David nang araw na iyon, “Sinumang sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat siya sa inaagusan ng tubig upang salakayin ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David.” Kaya't kanilang sinasabi, “Ang mga bulag at pilay ay hindi makakapasok sa bahay.”
Nanirahan si David sa kuta at tinawag itong lunsod ni David. At itinayo ni David ang lunsod sa palibot mula sa Milo hanggang sa loob.
Si David ay dumakila ng dumakila, sapagkat ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama niya.
Si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, ng mga puno ng sedro, mga karpintero, at mga kantero at ipinagtayo ng bahay si David.
Nabatid ni David na itinalaga siya ng PANGINOON bilang hari ng Israel, at kanyang itinaas ang kanyang kaharian alang-alang sa kanyang bayang Israel.
Kumuha pa si David ng mga asawang-lingkod at mga asawa sa Jerusalem, pagkagaling niya sa Hebron; at may mga ipinanganak pang mga lalaki at babae kay David.
Ito ang mga pangalan ng mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem; sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,
Ibhar, Elisua; Nefeg, Jafia;
Elisama, Eliada, at si Elifelet.