Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Samuel 23

23
Mga Huling Pangungusap ni David
1Ginawang dakila ng Diyos si David, anak ni Jesse. Siya ang lalaking pinili ng Diyos ni Jacob upang maging hari. Siya rin ang may-akda ng magagandang awit para sa Israel. Ito ang kanyang mga huling pangungusap:
2“Nagsasalita sa pamamagitan ko ang Espiritu#2 ESPIRITU: o kaya'y kapangyarihan. ni Yahweh,
ang salita niya'y nasa aking mga labi.
3Nagsalita ang Diyos ng Israel,
ganito ang sinabi niya sa akin:
‘Ang haring namamahalang may katarungan
at namumunong may pagkatakot sa Diyos,
4ay tulad ng araw sa pagbukang-liwayway,
parang araw na sumisikat kung umagang walang ulap,
at nagpapakislap sa dahon ng damo pagkalipas ng ulan.’
5“Gayon pagpapalain ng Diyos ang aking sambahayan,
dahil sa aming tipan na walang katapusan,
kasunduang mananatili magpakailanman.
Siya ang magbibigay sa akin ng tagumpay,
ano pa ang dapat kong hangarin?
6Ngunit ang mga walang takot sa Diyos ay matutulad sa mga tinik na itinatapon.
Walang mangahas dumampot sa kanila;
7at upang sila'y ipunin, kailangan ang kasangkapang bakal.
Kapag naipon naman, sila'y tutupukin.”
Mga Magigiting na Kawal ni David
(1 Cro. 11:10-41)
8Ito ang mga pangalan ng mga magigiting na kawal ni David: ang una'y si Yosev-basevet na taga-Taquemon. Siya ang pinuno ng pangkat na kung tawagi'y “Ang Tatlo.” Sa isang labanan, nakapatay siya ng 800 kalaban sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat.
9Ang pangalawa'y si Eleazar na anak ni Dodo, mula sa lahi ni Ahohi. Siya ang kasama ni David sa Pas-dammim nang sila'y lusubin ng mga Filisteo. Natalo ang mga Israelita, at nagsiatras, 10liban kay Eleazar. Hinarap niyang mag-isa ang mga Filisteo hanggang sa manigas ang kanyang kamay sa paghawak sa espada. Ngunit pinagtagumpay siya ni Yahweh nang araw na iyon. Pagkatapos ng labanan, saka pa lamang bumalik ang kanyang mga kasamang kawal para samsaman ang mga kaaway na napatay niya.
11Ang pangatlo ay si Samma na anak ni Age, isang taga-Arar. Sa Lehi ay may isang bukid na may tanim na gisantes. Dumating ang mga Filisteo at doon nagtipon. Natakot ang mga tagaroon at sila'y tumakas. 12Ngunit dumating si Samma, at tumayo sa gitna ng bukid upang ipagtanggol ito. Napatay niya ang mga Filisteo sa tulong ni Yahweh.
13Pagsisimula ng anihan, tatlo sa “Magigiting na Tatlumpu” ang nagpunta kay David sa yungib ng Adullam. Nagkakampo noon ang isang pangkat ng mga Filisteo sa Libis ng Refaim. 14Nang panahong iyon, si David ay nagkukubli sa isang kuta samantalang nagkakampo sa Bethlehem ang mga kawal na Filisteo. 15Dala ng matinding pananabik, nabigkas ni David ang ganito, “Sana'y makainom ako ng tubig buhat sa balon sa may pintuang-bayan ng Bethlehem!” 16Nang marinig nila iyon, nangahas silang lumusot sa mga bantay na Filisteo, at kumuha ng tubig sa balong nabanggit. Dinala nila ito kay David, ngunit hindi niya ito ininom. Sa halip, ang tubig ay ibinuhos niya sa lupa bilang handog kay Yahweh. 17Sinabi niya, “Hindi ko ito kayang inumin, Yahweh! Para ko na ring iinumin ang dugo ng mga nagtaya ng kanilang buhay upang makuha ito.” Minsan pang nakilala ang tapang ng tatlong magigiting na kawal na ito sa ginawa nilang iyon.
18Ang pinuno ng pangkat na binubuo ng “Tatlumpu” ay si Abisai, kapatid ni Joab na anak naman ni Zeruias. Kinikilala siya ng mga ito sapagkat minsa'y pinuksa niya sa pamamagitan lamang ng sibat ang 300 kaaway. 19Ito ang dahilan kaya ginawa siyang pinuno ng pangkat, ngunit kahit kinikilala siya sa tatlumpu, hindi pa rin siya kasintanyag ng “Tatlong Magigiting.”
20Si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel ay isa ring magiting na kawal sa maraming pakikipaglaban. Siya ang pumatay sa dalawang lalaki na ipinagmamalaki ng Moab. Minsan, nang panahong madulas ang lupa dahil sa yelo, lumusong siya sa balon at pinatay ang isang leon na naroon. 21Siya rin ang pumatay sa isang higanteng Egipcio, kahit ang sandata niya'y isa lamang pamalo. Naagaw niya ang sibat ng Egipcio, at iyon na ang ipinampatay rito. 22Iyan ang kasaysayan ng bantog na si Benaias, ang labis na hinahangaan at kaanib ng “Tatlumpu.” 23Sa pangkat na ito, siya ay talagang kinikilala, ngunit hindi pa rin siya kasintanyag ng grupong “Ang Tatlo.” Dahil sa kanyang tapang, ginawa siyang sariling bantay ni David sa kanyang palasyo.
24Ang iba pang kabilang sa pangkat ng “Tatlumpu” ay si Asahel na kapatid ni Joab; si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem; 25si Samma na isang Harodita; si Elica na Harodita rin; 26si Helez na isang Peleteo; si Ira na anak ni Ekis na taga-Tekoa; 27si Abiezer na taga-Anatot; si Mebunai na taga-Husa; 28si Zalmon na taga-Aho; si Maharai na taga-Netofa; 29si Heleb, anak ni Baana, taga-Netofa rin; si Itai, anak ni Ribai na taga-Gibea sa lupain ng Benjamin; 30si Benaias na taga-Piraton; si Hidai na buhat sa mga libis ng Gaas; 31si Abi-albon na taga-Araba; si Azmavet na taga-Bahurim; 32si Eliaba na taga-Saalbon; si Jasen na taga-Gimzo: 33si Jonatan, anak ni Samma, taga-Arar; si Ahiam, anak ni Sarar, taga-Arar din; 34si Elifelet, anak ni Ahasbai, taga-Maaca; si Eliam na anak ni Ahitofel na taga-Gilo; 35si Hezrai na taga-Carmel; si Paarai na taga-Arab; 36si Igal na anak ni Natan, taga-Soba; si Bani na mula sa Gad; 37si Selec na taga-Ammon; si Naharai na taga-Beerot, tagapagdala ng kasuotang pandigma ni Joab na anak ni Zeruias; 38sina Ira at Jareb na taga-Jatir; 39at si Urias na Heteo. May tatlumpu't pitong magigiting na kawal si David.

Kasalukuyang Napili:

2 Samuel 23: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya