2 Samuel 18
18
1Tinipon ni David ang lahat ng mga tauhan niya at pinagpangkat-pangkat ang mga ito. Naglagay siya ng mga pinuno sa mga pangkat na tig-iisanlibo at tig-iisandaan. 2Pinagtatlo niya ang buong hukbo; ang unang pangkat ay pinamunuan ni Joab, ang pangalawa ay pinamunuan ni Abisai at ang ikatlo'y ibinigay naman kay Itai na Geteo. Sinabi ng hari sa kanila, “Sasama ako sa inyo sa labanan.”
3Ngunit tumutol ang mga tauhan at sinabi nila, “Hindi po kayo dapat sumama sa amin. Kung kami po'y matalo at mapaatras, iyon po'y walang halaga sa mga kaaway—kahit pa mapatay ang kalahati sa bilang namin. Ngunit ang katumbas ninyo'y sampung libong kawal. Kaya't mas mabuti pong doon na kayo sa lunsod, at padalhan na lamang ninyo kami ng tulong.”
4“Gagawin ko kung ano ang inaakala ninyong pinakamabuti,” sagot ng hari. Tumayo na lang siya sa may pintuan ng lunsod habang papalabas ang kanyang mga kawal na nasa pangkat na libu-libo at daan-daan. 5Pinagbilinan niya sina Joab, Abisai at Itai, “Alang-alang sa aki'y huwag ninyong sasaktan ang anak kong si Absalom.” Narinig ng buong hukbo ang bilin ng hari sa lahat ng pinuno tungkol kay Absalom.
6Hinarap ng hukbo ni David ang mga Israelita at naglaban sila sa kagubatan ng Efraim. 7Natalo ng mga tauhan ni David ang mga Israelita, at dalawampung libong kawal ang napatay nang araw na iyon. 8Umabot ang labanan hanggang sa mga kabukiran. Nang araw na iyon, mas marami pa ang namatay sa kagubatan kaysa namatay sa tabak.
9Nakasalubong naman ni Absalom ang ilang kawal ni David. Nakasakay noon sa mola si Absalom, at pagdaan niya sa ilalim ng isang malaking puno ng ensina, napasabit ang ulo niya sa mga sanga. Nagpatuloy sa pagtakbo ang mola at naiwan si Absalom na nakabitin sa puno. 10Isa sa mga nakakita nito ang nagsabi kay Joab, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang puno ng ensina.”
11Pagkarinig nito'y sinabi ni Joab sa lalaki, “Nakita mo na palang nakabitin, bakit hindi mo pa siya pinatay doon? Nakatanggap ka sana sa akin ng sampung pirasong pilak at isang sinturon.”
12Sumagot ang lalaki, “Kahit na po gawin ninyong sanlibong pirasong pilak, hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang anak ng hari. Narinig po naming lahat ang utos ng hari sa inyo at kina Abisai at Itai na huwag sasaktan ang anak niyang si Absalom alang-alang sa kanya. 13Kung siya'y pinagbuhatan ko ng kamay at namatay, malalaman din po iyon ng hari at hindi naman kayo ang mananagot sa nangyari.”
14“Hindi na kita pag-aaksayahan ng panahon,” sabi ni Joab. Kumuha siya ng tatlong sibat at isa-isang itinusok sa dibdib ni Absalom na noo'y buháy pang nakabitin sa puno. 15Pagkatapos nito'y pumaligid ang sampung tauhan ni Joab kay Absalom at pinatay ito.
16Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang kanyang buong hukbo ay huminto na sa pagtugis sa mga Israelita. 17Kinuha nila ang bangkay ni Absalom, inihulog sa isang malaking hukay sa kagubatan at tinabunan ng mga bato. Nagsitakas naman at umuwi na ang lahat ng mga Israelita.
18Noong nabubuhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng isang bantayog sa Libis ng Hari. Ginawa niya ito bilang alaala, sapagkat wala siyang anak na lalaking magpapatuloy ng kanyang pangalan. Isinunod niya sa kanyang pangalan ang bantayog na iyon, at hanggang ngayo'y tinatawag iyong Bantayog ni Absalom.
Ibinalita kay David ang Pagkamatay ni Absalom
19Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Hayaan ninyo akong tumakbo upang maibalita ko agad sa hari na siya'y nailigtas na ni Yahweh sa kanyang mga kaaway.”
20Ngunit sinabi ni Joab, “Huwag mong gagawin iyan sa araw na ito. Ipagpaliban mo na sa ibang araw sapagkat namatay ang anak ng hari.” 21At inutusan niya ang isang aliping Cusita para ibalita kay David ang nangyari. Nagbigay-galang muna ito kay Joab, bago patakbong umalis.
22Nagsumamo kay Joab si Ahimaaz: “Anuman po ang mangyari'y pahintulutan ninyong sundan ko ang Cusita.”
“Bakit, anak ko?” tanong ni Joab. “Wala kang mapapala sa pagbabalita mo.”
23“Kahit po anong mangyari, basta't pahintulutan ninyo ako,” wika niya.
“Sige, tumakbo ka,” wika ni Joab. Tumakbo nga si Ahimaaz at dumaan sa Libis ng Jordan at naunahan pa niya ang aliping Cusita.
24Nakaupo noon si David sa pagitan ng pintuang panlabas at pintuang panloob ng lunsod. Umakyat naman sa tore ng pader ang isang bantay. Pagtanaw niya'y may nakita siyang isang lalaking tumatakbong palapit. 25Sumigaw siya sa hari at sinabi ang kanyang nakita. Sabi ng hari, “Kung nag-iisa siya, tiyak na magandang balita ang dala niya.”
26Samantala, ang bantay sa tore ay may nakita pang isang lalaking tumatakbong papalapit din. Kaya't tinawag niya ang bantay-pinto at sinabi, “Tingnan mo, may isa pang tumatakbo sa hulihan!”
Sinabi ng hari, “Magandang balita rin ang dala niyan.”
27“Sa tingin ko'y si Ahimaaz na anak ni Zadok ang nauunang dumarating,” sabi ng bantay.
“Mabuting tao 'yan, at magandang balita ang dala niya,” sabi ng hari.
28Nauna ngang dumating si Ahimaaz. Yumukod siya sa harapan ng hari at sinabi, “Purihin si Yahweh na inyong Diyos, na siyang dumaig sa mga taong naghimagsik laban sa mahal na hari!”
29“Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari.
“Kamahalan, isinugo po ako ng inyong lingkod na si Joab,” sagot ni Ahimaaz, “at noon pong paalis na ako, nagkakagulo sila at hindi ko po alam ang dahilan.”
30Sinabi sa kanya ng hari, “Tumayo ka muna diyan sa isang tabi,” at ganoon nga ang ginawa ni Ahimaaz.
31Dumating naman ang Cusita at ganito ang sabi: “Magandang balita, Kamahalan! Ngayong araw na ito'y iniligtas kayo ni Yahweh sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.”
32“Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari.
“Mangyari nawa sa lahat ng inyong mga kaaway at sa lahat ng naghihimagsik laban sa inyo ang nangyari kay Absalom!”
33Nang marinig ito'y naghinagpis ang hari. Umakyat siya sa isang silid sa itaas ng pintuan ng lunsod at buong pait na tumangis. Habang lumalakad siya'y sinasabi niya, “Anak kong Absalom! Anak ko, anak ko, Absalom! Ako na lang sana ang namatay at hindi ikaw, Absalom, anak ko, anak ko!”
Kasalukuyang Napili:
2 Samuel 18: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society