Tinipon ni David ang lahat ng mga tauhan niya at pinagpangkat-pangkat ang mga ito. Naglagay siya ng mga pinuno sa mga pangkat na tig-iisanlibo at tig-iisandaan. Pinagtatlo niya ang buong hukbo; ang unang pangkat ay pinamunuan ni Joab, ang pangalawa ay pinamunuan ni Abisai at ang ikatlo'y ibinigay naman kay Itai na Geteo. Sinabi ng hari sa kanila, “Sasama ako sa inyo sa labanan.” Ngunit tumutol ang mga tauhan at sinabi nila, “Hindi po kayo dapat sumama sa amin. Kung kami po'y matalo at mapaatras, iyon po'y walang halaga sa mga kaaway—kahit pa mapatay ang kalahati sa bilang namin. Ngunit ang katumbas ninyo'y sampung libong kawal. Kaya't mas mabuti pong doon na kayo sa lunsod, at padalhan na lamang ninyo kami ng tulong.” “Gagawin ko kung ano ang inaakala ninyong pinakamabuti,” sagot ng hari. Tumayo na lang siya sa may pintuan ng lunsod habang papalabas ang kanyang mga kawal na nasa pangkat na libu-libo at daan-daan. Pinagbilinan niya sina Joab, Abisai at Itai, “Alang-alang sa aki'y huwag ninyong sasaktan ang anak kong si Absalom.” Narinig ng buong hukbo ang bilin ng hari sa lahat ng pinuno tungkol kay Absalom. Hinarap ng hukbo ni David ang mga Israelita at naglaban sila sa kagubatan ng Efraim. Natalo ng mga tauhan ni David ang mga Israelita, at dalawampung libong kawal ang napatay nang araw na iyon. Umabot ang labanan hanggang sa mga kabukiran. Nang araw na iyon, mas marami pa ang namatay sa kagubatan kaysa namatay sa tabak. Nakasalubong naman ni Absalom ang ilang kawal ni David. Nakasakay noon sa mola si Absalom, at pagdaan niya sa ilalim ng isang malaking puno ng ensina, napasabit ang ulo niya sa mga sanga. Nagpatuloy sa pagtakbo ang mola at naiwan si Absalom na nakabitin sa puno. Isa sa mga nakakita nito ang nagsabi kay Joab, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang puno ng ensina.” Pagkarinig nito'y sinabi ni Joab sa lalaki, “Nakita mo na palang nakabitin, bakit hindi mo pa siya pinatay doon? Nakatanggap ka sana sa akin ng sampung pirasong pilak at isang sinturon.” Sumagot ang lalaki, “Kahit na po gawin ninyong sanlibong pirasong pilak, hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang anak ng hari. Narinig po naming lahat ang utos ng hari sa inyo at kina Abisai at Itai na huwag sasaktan ang anak niyang si Absalom alang-alang sa kanya. Kung siya'y pinagbuhatan ko ng kamay at namatay, malalaman din po iyon ng hari at hindi naman kayo ang mananagot sa nangyari.” “Hindi na kita pag-aaksayahan ng panahon,” sabi ni Joab. Kumuha siya ng tatlong sibat at isa-isang itinusok sa dibdib ni Absalom na noo'y buháy pang nakabitin sa puno. Pagkatapos nito'y pumaligid ang sampung tauhan ni Joab kay Absalom at pinatay ito. Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang kanyang buong hukbo ay huminto na sa pagtugis sa mga Israelita. Kinuha nila ang bangkay ni Absalom, inihulog sa isang malaking hukay sa kagubatan at tinabunan ng mga bato. Nagsitakas naman at umuwi na ang lahat ng mga Israelita. Noong nabubuhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng isang bantayog sa Libis ng Hari. Ginawa niya ito bilang alaala, sapagkat wala siyang anak na lalaking magpapatuloy ng kanyang pangalan. Isinunod niya sa kanyang pangalan ang bantayog na iyon, at hanggang ngayo'y tinatawag iyong Bantayog ni Absalom.
Basahin 2 Samuel 18
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 2 Samuel 18:1-18
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas