Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Samuel 16:15-23

2 Samuel 16:15-23 RTPV05

Hindi nagtagal, pumasok nga sa Jerusalem si Absalom kasama ang lahat ng Israelita pati si Ahitofel. Nang magkita si Absalom at ang kaibigan ni David na si Cusai, sumigaw ito, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!” “Ito ba ang pagpapakita mo ng katapatan sa kaibigan mong si David?” tanong ni Absalom. “Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?” Sumagot si Cusai, “Hindi po ako sumama sa kanya, sapagkat ang nais kong paglingkuran ay ang haring pinili ni Yahweh, ng mga tao, at ng bansang Israel. Hindi ba marapat na paglingkuran ko ang anak ng aking panginoon? Paglilingkuran ko po kayo tulad nang paglilingkod ko sa inyong ama.” Tinawag ni Absalom si Ahitofel at humingi ng payo rito, “Ano ba ang mabuting gawin natin?” “Ganito ang gawin mo,” wika ni Ahitofel, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na iniwan niya sa palasyo. Sa ganoon, mababalita sa Israel na talagang kinakalaban mo ang iyong ama, at lalong lalakas ang loob ng mga kumakampi sa iyo.” Kaya't kanilang ipinagtayo si Absalom ng tolda sa itaas ng palasyo upang makita ng buong Israel ang pagsiping niya sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Noong panahong iyon, ang mga payo ni Ahitofel ay itinuturing na salita ng Diyos. Maging sina David at Absalom ay sumusunod sa kanyang mga payo.