Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Pedro 1:1-15

2 Pedro 1:1-15 RTPV05

Mula kay Simon Pedro, isang lingkod at apostol ni Jesu-Cristo— Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus. Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang karangalan at kabutihan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas tayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos. Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Ang mga katangiang iyan ang kailangan ninyong taglayin at pagyamanin, upang ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay huwag mawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. Ang taong wala ng mga katangiang iyan ay mistulang bulag at nakalimot na pinatawad na siya sa kanyang mga kasalanan. Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang mapatunayan ninyong kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung ganito ang gagawin ninyo, hindi kayo matitisod. Sa ganitong paraan, kayo'y maluwag na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Kahit na alam na ninyo ang katotohanang inyong tinanggap at matatag na kayo rito, lagi ko pa rin kayong paaalalahanan tungkol dito. Minabuti kong sariwain ito sa inyong isipan habang ako'y nabubuhay pa. Alam kong hindi na ako magtatagal sa buhay na ito, ayon sa ipinahayag sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kaya't gagawin ko ang lahat upang maalala pa rin ninyong lagi ang mga bagay na ito kahit ako'y nasa kabilang buhay na.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa 2 Pedro 1:1-15

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya