Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Mga Taga-Corinto 1:3-11

2 Mga Taga-Corinto 1:3-11 RTPV05

Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay makatulong naman tayo sa mga nahahapis. Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo. Kung naghihirap man kami, ito'y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin. Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami. Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.