Dumating ang panahon na nilusob ng mga Moabita, Ammonita at ilang Meunita si Jehoshafat. Nabalitaan niya na isang malaking pangkat mula sa Edom ang sumasalakay sa ibayo ng lawa at nasa Hazazon-tamar, na tinatawag ding En-gedi. Nabahala si Jehoshafat at humingi siya ng patnubay kay Yahweh. Iniutos niya na mag-ayuno ang lahat ng mamamayan ng Juda. Nagtipun-tipon ang buong Juda upang humingi ng tulong kay Yahweh. Dumating sila buhat sa iba't ibang lunsod.
Tumayo si Jehoshafat sa harap ng mga taga-Juda at Jerusalem na nagtitipon sa bagong bulwagan ng Templo. Nanalangin siya: “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno at ng buong kalangitan, kayo po ang namamahala sa lahat ng bansa at ikaw ang may lubos na kapangyarihan. Kaya walang maaaring lumaban sa inyo. O Diyos namin, ikaw ang nagpalayas sa mga tagarito upang ibigay ang lupaing ito sa bayan mong Israel magpakailanman. Ginawa ninyo iyon ayon sa inyong pangako kay Abraham na inyong kaibigan. Dito nga sila tumira at itinayo nila ang Templong ito upang dito kayo sambahin. Sabi nila, ‘Kung may masamang mangyari sa amin tulad ng digmaan, baha, salot o taggutom, haharap kami sa Templong ito upang humingi ng tulong sa inyo sapagkat dito kayo sinasamba. Tatawag kami sa inyo, papakinggan ninyo kami at ililigtas sa panahon ng aming kagipitan.’ “Ngayo'y sinasalakay kami ng mga kawal mula sa Ammon, Moab at sa kaburulan ng Edom, mga lugar na hindi ninyo ipinahintulot na pasukin ng mga Israelita nang umalis sila sa Egipto, kaya sila'y hindi nawasak. Ngayo'y ito po ang iginanti nila sa amin! Sinalakay nila kami at nais palayasin sa lupaing ito na ipinamana ninyo sa amin. Ikaw po ang Diyos namin, parusahan ninyo sila. Hindi namin kayang labanan ang ganito karaming hukbo. Hindi po namin alam ang aming gagawin. Sa inyo lamang kami umaasa.”
Samantala, lahat ng kalalakihan ng Juda kasama ang kanilang mga asawa't anak ay dumulog kay Yahweh. Ang Espiritu ni Yahweh ay lumukob kay Jahaziel na anak ni Zacarias. Apo siya ni Benaias na anak ni Jeiel na apo naman ni Matanias, isa sa mga Levitang anak ni Asaf. Sinabi niya, “Makinig kayo, Haring Jehoshafat, at kayong mga taga-Juda at Jerusalem. Ganito ang sinasabi sa inyo ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot ni masiraan ng loob dahil sa maraming kaaway. Ang Diyos ang makikipaglaban at hindi kayo. Harapin ninyo sila bukas sapagkat aahon sila sa Ziz. Makakasagupa ninyo sila sa may dulo ng libis sa silangan ng ilang ng Jeruel. Hindi na kayo kailangang lumaban. Manatili na lamang kayo sa inyong kinatatayuan at maghintay. Makikita ninyo ang pagtatagumpay ni Yahweh para sa inyo.’ Kaya hindi kayo dapat matakot ni masiraan ng loob. Harapin ninyo sila bukas sapagkat si Yahweh ang kasama ninyo!”
Si Jehoshafat at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa at sumamba kay Yahweh. Tumayo naman ang mga Levita sa angkan ni Kohat at Korah at sa napakalakas na tinig ay nagpuri sila kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
Kinabukasan, maaga silang lumabas patungo sa ilang ng Tekoa. Ngunit bago sila umalis, sinabi sa kanila ni Jehoshafat, “Makinig kayo, mga taga-Juda at Jerusalem. Magtiwala kayo sa Diyos ninyong si Yahweh at magiging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta at magtatagumpay kayo.” Matapos niyang paalalahanan ang mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit na magpupuri kay Yahweh dahil sa kanyang kahanga-hangang kabanalan. Inilagay niya ang mga ito sa unahan ng hukbo at habang daa'y umaawit:
“Purihin si Yahweh,
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Nang marinig ng mga kaaway ang awitan, ginulo sila ni Yahweh. Dahil dito, sila-sila ang nagkagulo. Ang sinalakay ng mga Ammonita at Moabita ay ang kasama nilang taga-Edom, at nilipol nila ang mga ito. Pagkatapos, sila-sila ang nagpatayan.