2 Mga Cronica 10
10
Nahati ang Kaharian
(1 Ha. 12:1-20)
1Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang buong Israel upang gawin siyang hari. 2Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam, anak ni Nebat na pumunta sa Egipto upang tumakas kay Haring Solomon, ay umuwi na ito. 3Ipinasundo siya ng mga lipi sa hilaga at sama-sama silang pumunta kay Rehoboam. Sinabi nila: 4“Binigyan po kami ng mabigat na pasanin ng inyong ama. Kung pagagaanin po ninyo ang pasanin na aming dinadala, paglilingkuran namin kayo.”
5Sinagot sila ni Rehoboam: “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang pag-isipan ang inyong kahilingan, saka kayo bumalik.” At umalis nga ang mga tao.
6Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod sa kanyang ama nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya kung ano ang dapat niyang sabihin sa mga tao. 7Ganito ang sabi ng matatanda: “Kapag magiging mabait kayo sa mga taong ito, at pagbibigyan ninyo sila sa kanilang kahilingan, paglilingkuran nila kayo nang tapat habang panahon.”
8Ngunit binale-wala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, sumangguni siya sa kanyang mga kababata na ngayo'y mga tagapayo niya. 9Tinanong niya ang mga ito kung ano ang dapat niyang isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ang pasaning ipinataw sa kanila ng kanyang ama.
10Ganito naman ang sagot ng mga kabataan: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina. 11Dagdagan mo pa ang pahirap sa kanila. Kung latigo ang panghampas sa kanila noon ng iyong ama, ngayon ay gawin mong tinik na bakal.”
12Nang ikatlong araw, bumalik nga si Jeroboam at ang mga taong-bayan ayon sa sinabi sa kanila ni Rehoboam. 13Taliwas sa payo ng matatanda, mabagsik ang sagot niya sa mga tao. 14Ang sinunod niya'y ang payo ng mga kabataan. Sinabi niya, “Kung mabigat ang ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan. Kung hinagupit niya kayo ng latigo, may tinik na bakal naman ang ihahagupit ko sa inyo.” 15Hindi nga dininig ng hari ang karaingan ng bayan. Pinahintulutan iyon ng Diyos na si Yahweh upang matupad ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Ahias na taga-Shilo, tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat.
16Nang#2 Sam. 20:1. hindi sila pakinggan ng hari, sinabi nila: “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Bahala ka na sa buhay mo, Rehoboam!” At umuwi na ang mga mamamayan ng Israel. 17Ngunit naghari si Rehoboam sa mga Israelitang naninirahan sa mga bayan ng Juda. 18Sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram, ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawa sa sampung lipi ng Israel. Ngunit binato siya ng mga ito hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay sa karwahe si Rehoboam upang tumakas patungong Jerusalem. 19Magmula noon, patuloy na naghimagsik sa paghahari ng angkan ni David ang sampung lipi ng Israel na nasa hilaga.
Kasalukuyang Napili:
2 Mga Cronica 10: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society