Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglingkod kay Yahweh. Nang panahong iyon, bihira nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya. Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, natutulog siya sa kanyang silid. Si Samuel ay natutulog naman sa santuwaryo, kung saan naroroon din ang Kaban ng Tipan. Bago magmadaling-araw at may sindi pa ang ilawan sa santuwaryo, siya'y tinawag ni Yahweh, “Samuel, Samuel!”
“Narito po ako,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”
Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Matulog ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.
Subalit tinawag siyang muli ni Yahweh, “Samuel!” Bumangon siya, lumapit muli kay Eli at nagtanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”
Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Matulog ka na.” Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa ito nagpahayag sa kanya.
Sa ikatlong pagtawag ni Yahweh, muling lumapit si Samuel kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinawag ninyo ako.”
Sa pagkakataong iyon, naunawaan ni Eli na si Yahweh ang tumatawag sa bata, kaya sinabi niya, “Mahiga kang muli at kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muli ngang nahiga si Samuel. Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, “Samuel, Samuel!”
Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”
Sinabi ni Yahweh, “Hindi magtatagal at may gagawin akong kakila-kilabot na bagay sa Israel. Lahat ng makakabalita nito'y mabibigla. Pagdating ng araw na iyon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli, mula sa umpisa hanggang sa katapusan. Sabihin mo sa kanya na habang panahon kong paparusahan ang kanyang sambahayan sapagkat hinayaan niyang lapastanganin ako ng kanyang mga anak. Ni hindi man lamang niya pinahinto ang mga ito. Dahil dito, isinusumpa kong hindi mapapawi ng anumang handog ang kalapastanganang ginawa ng sambahayan ni Eli.”
Natulog muli si Samuel at kinaumagaha'y binuksan ang pintuan ng bahay ni Yahweh. Ngunit natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. Subalit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.”
“Ano po iyon?” sagot ni Samuel.
Sinabi ni Eli, “Anong sinabi sa iyo ni Yahweh? Huwag ka nang maglihim sa akin. Mabigat ang parusang ibibigay sa iyo ni Yahweh kapag hindi mo sinabi sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” Kaya't ipinagtapat ni Samuel ang lahat kay Eli; wala siyang inilihim dito. Pagkatapos, sinabi ni Eli, “Iyon ang kagustuhan ni Yahweh. Mangyari nawa ang ayon sa kanyang kalooban.”
Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ni Yahweh, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya. Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ni Yahweh. Patuloy na nagpapahayag si Yahweh sa Shilo, sapagkat siya'y nangungusap kay Samuel sa Shilo. Dinirinig ng buong Israel ang salitang ipinapahayag ni Samuel.