Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Pedro 5:1-11

1 Pedro 5:1-11 RTPV05

Sa mga matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo. Saksi ako sa mga paghihirap ni Cristo at makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Nakikiusap ako sa inyo, alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Alagaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa nila kayo. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman. At kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno ng iglesya. Magpakumbabá kayong lahat sapagkat nasusulat, “Sinasaway ng Diyos ang mapagmataas, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban.” Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo. Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila. Huwag kayong matatakot sa kanya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa 1 Pedro 5:1-11

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya