Pagkatapos nito, sa harapan pa rin ng buong bayan, tumayo si Solomon sa harap ng altar. Itinaas niya ang mga kamay, at nanalangin ng ganito:
“Yahweh, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; wagas ang pag-ibig na ipinadarama ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. Tinupad ninyo ang inyong pangako sa aking amang si David; ang ipinangako ninyo noon ay tinupad ninyo ngayon. Kaya nga Yahweh, ipagpatuloy ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na sa habang panahon ay magmumula sa kanyang angkan ang maghahari sa Israel, kung sila'y mananatiling tapat sa inyo gaya ng ginawa niya. Pagtibayin ninyo, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong alipin.
“Maaari bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo! Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. Huwag ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang maysabi na ang pangalan ninyo'y mamamalagi rito. Sa gayon maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa lugar na ito.
“Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayang Israel tuwing kami'y mananalanging paharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami buhat sa inyong tahanan sa langit at patawarin ninyo kami!
“Kapag nagkasala sa kanyang kapwa ang isang tao, at siya'y pinanumpa sa harap ng inyong altar sa Templong ito, pakinggan ninyo sila buhat sa langit at kayo ang humatol sa kanila. Parusahan ninyo ang nagkasala at pagpalain ninyo ang walang kasalanan.
“Kapag natalo ng kanilang mga kaaway ang bayan ninyong Israel dahil sa pagtalikod nila sa inyo, sa sandaling magbalik-loob sila sa inyo, kumilala sa inyong kapangyarihan, nanalangin at nanawagan sa inyo sa Templong ito, pakinggan ninyo sila at patawarin. Ibalik ninyo sila sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno.
“Kapag ang langit ay nagkait ng ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang bayang Israel, kung sila'y manalangin sa Templong ito at magpuri sa inyong pangalan, kapag sila'y nagsisi sa kanilang kasalanan sa pagkakilalang iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, pakinggan ninyo sila, Yahweh. Patawarin ninyo ang inyong mga alipin, ang bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang lakaran. Ibuhos na ninyo ang ulan sa lupaing ibinigay ninyo sa inyong bayan.
“Kung lumaganap sa lupain ang gutom at salot, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng uod at balang, kapag ang alinman sa kanilang lunsod ay kinubkob ng kaaway, pakinggan ninyo ang kanilang dalangin. Sa sandaling sila'y magsisi at iunat ang kanilang mga kamay paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa inyo, pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan at sila'y patawarin. Ibigay ninyo sa kanila ang nararapat sa kanilang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa puso ng mga tao. Sa gayon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno.
“Kung ang isang dayuhan na mula pa sa malayong lugar na nakarinig ng kadakilaan ng inyong pangalan at mga kabutihang ginawa ninyo para sa inyong bayang Israel ay nanirahan sa bayang ito at nagsadya sa Templong ito upang manalangin, pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong tahanan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayon, makikilala ng lahat ng tao sa buong mundo ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Malalaman nilang dito sa Templong ito na aking itinayo, ang inyong pangalan ay dapat sambahin.
“Kapag inutusan ninyo ang inyong bayan na makipagdigma sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong kalooban, kapag sila'y humarap sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko para sa inyong karangalan, pakinggan ninyo sila at papagtagumpayin ninyo sila.
“Yahweh, ang lahat po ay nagkasala. Kung ang bayang ito'y magkasala sa inyo at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang mabihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit man, kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggapin nilang sila nga'y naging masama at nagkasala sa inyo, sa sandaling sila'y magsisi at magbalik-loob sa inyo, at mula doo'y humarap sila sa lupaing kaloob sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko sa inyong pangalan, pakinggan ninyo sila mula sa tahanan ninyo sa langit at ipaglaban po ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. Loobin ninyong kahabagan sila ng mga kaaway na bumihag sa kanila, sapagkat ito ang bayang inyong pinili at inilabas mula sa Egipto, ang lupaing tulad sa nagliliyab na hurno.
“Lagi ninyong lingapin ang bayang Israel; lagi ninyong pakinggan ang kanilang panawagan. Kayo at wala nang iba pa ang pumili sa kanila mula sa lahat ng mga bansa sa buong mundo, upang sila'y maging inyo. Ito, Panginoong Yahweh, ang sinabi ninyo sa pamamagitan ni Moises nang hanguin ninyo sa Egipto ang aming mga ninuno.”
Nakaluhod si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at nakataas ang mga kamay samantalang nananalangin. Nang matapos ang kanyang pananawagan kay Yahweh, tumayo siya at sa malakas na tinig ay binasbasan ang buong Israel na nagkakatipon doon. “Purihin si Yahweh! Tinupad niyang lahat ang kanyang mga pangako, at binigyan ng kapayapaan ang bayan niyang Israel. Sa lahat niyang mga pangako kay Moises, wala isa mang nasira. Sumaatin nawang lagi si Yahweh, ang ating Diyos, gaya ng ginawa niya sa ating mga ninuno. Huwag nawa niya tayong pabayaan o itakwil kailanman. Tulungan nawa niya tayong maging tapat sa kanya, upang mamuhay ayon sa kanyang kalooban, at sundin ang kanyang mga batas, tuntunin at hatol, gaya ng ipinag-utos niya sa ating mga ninuno. Manatili nawa araw-gabi sa harapan ni Yahweh itong aking panalangin upang sa bawat araw ay pagkalooban niya ng katarungan ang kanyang alipin, at ang kanyang bayang Israel ayon sa hinihingi ng pagkakataon. Sa gayon, malalaman ng lahat ng tao sa balat ng lupa na si Yahweh ay Diyos, at liban sa kanya'y wala nang iba. Manatili nga kayong tapat kay Yahweh, na ating Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos, tulad ng ginagawa ninyo ngayon.”
Sa pagtitipong ito nag-alay si Solomon at ang buong Israel ng napakaraming handog. Nagpatay sila ng 22,000 baka at 120,000 tupa bilang handog na pinagsasaluhan. Sa gayong paraan ginawa ni Solomon at ng buong Israel ang pagtatalaga ng Templo ni Yahweh. Nang araw ding iyon, itinalaga ni Solomon ang bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inihain ang handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil, at ang mga taba ng handog na pinagsasaluhan sapagkat ang altar na tanso sa harapan ng Templo ay napakaliit para sa ganoon karaming handog.
Kaya nga't nang taóng iyon, natipon sa Jerusalem ang buong Israel mula sa Pasong Hamat hanggang sa Batis ng Egipto. Sa pamumuno ni Solomon, ipinagdiwang nila ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw. Sa ikawalong araw, pinauwi na ni Solomon ang mga mamamayan. Masaya silang umuwi at binasbasan ang hari dahil sa mga pagpapalang ipinagkaloob ni Yahweh kay David na kanyang lingkod, at sa kanyang bayang Israel.