Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 18:1-15

1 Mga Hari 18:1-15 RTPV05

Pagkalipas ng ilang panahon, nang ikatlong taon na ng tagtuyot, sinabi ni Yahweh kay Elias, “Pumunta ka na kay Ahab. Malapit na akong magpadala ng ulan sa lupaing ito.” At nagpunta nga si Elias kay Ahab. Napakatindi noon ng taggutom sa Samaria, kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias, ang tagapangasiwa ng palasyo. Si Obadias ay may takot kay Yahweh. Nang kasalukuyang ipinapapatay ni Jezebel ang mga propeta ni Yahweh, nailigtas ni Obadias ang sandaan sa mga ito. Itinago niya ang mga ito sa isang yungib, tiglilimampu ang bawat pangkat, at binigyan niya ng pagkain at tubig. Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Tayo na! Galugarin natin ang buong lupain at tingnan ang bawat ilog at libis. Baka makakita tayo roon ng sapat na damo upang huwag mamatay sa gutom ang ating mga kabayo, mola at baka.” Naghiwalay sila sa paghahanap ng pagkain sa buong kaharian: si Ahab sa isang panig at si Obadias naman sa kabila. Sa paglalakbay ni Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya ang propeta, kaya't nagpatirapa siya at sinabi, “Kayo nga ba iyan, mahal na propetang Elias?” “Ako nga,” sagot naman nito. “Pumunta ka sa iyong panginoong si Ahab at sabihin mong narito ako.” Ganito naman ang sagot ni Obadias: “Ano pong kasalanan ang nagawa ko sa inyo at gusto ninyo akong mapatay ni Ahab? Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos, hinahanap kayo ni Haring Ahab sa bawat bansa sa daigdig. At kapag may nagsabing wala kayo roon, ayaw niyang maniwala hangga't hindi sila nanunumpa na kayo'y talagang hindi nila nakita. At ngayo'y pinapapunta ninyo ako sa kanya para sabihing narito kayo? Ano ngayon ang mangyayari? Sa sandaling ako'y umalis upang sabihin kay Ahab na narito kayo ay dadalhin naman kayo ng Espiritu ni Yahweh sa lugar na hindi ko alam. At kapag hindi nila kayo nakita, ako ang kanyang papatayin. Maawa kayo sa akin, sapagkat ako po naman ay may takot kay Yahweh mula pa sa pagkabata. Hindi po ba ninyo nababalitaan na may sandaang propeta ni Yahweh ang aking iniligtas noong sila'y gustong patayin ni Jezebel? Itinago ko sila sa isang yungib, tiglilimampu bawat pangkat, at dinalhan ko sila roon ng pagkain at tubig. At ngayon, pinapapunta ninyo ako kay Ahab upang sabihing narito kayo? Tiyak na papatayin niya ako.” Ngunit sinabi sa kanya ni Elias: “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, haharap ako kay Ahab sa araw na ito.”