Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Juan 3:11-24

1 Juan 3:11-24 RTPV05

Ito ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. Huwag tayong tumulad kay Cain; siya'y kampon ng diyablo. Pinatay niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid. Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. Nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang kapatiran. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. Dito natin nakikilala ang tunay na pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa kapatiran. Kapag nakikita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at hindi niya ito tinulungan, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan lamang ng salita, subalit ipakita rin natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa. Dito nga natin makikilalang tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali mang tayo'y usigin nito. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi, at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa 1 Juan 3:11-24