Sa mga matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. Walang isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. Subalit tulad ng nasusulat, “Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.” Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasalikisik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na layunin ng Diyos. Sapagkat walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin. Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga pinapanahanan ng Espiritu. Sapagkat ang taong di pinapanahanan ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. Sinisiyasat ng taong pinapanahanan ng Espiritu ang lahat ng bagay, ngunit walang sinumang makakasiyasat sa kanya. “Sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? Sino ang makapagpapayo sa kanya?” Ngunit nasa atin ang pag-iisip ni Cristo.
Basahin 1 Mga Taga-Corinto 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 1 Mga Taga-Corinto 2:6-16
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas