Kung hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila? At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, mga kapatid! Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! Kung ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”
Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama'y nakakasira ng magagandang ugali.” Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.
Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?”
Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan.
At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda.
May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang liwanag ng mga bituin, sapagkat maging ang mga bituin ay magkakaiba ang liwanag.
Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay; pangit at mahina nang ilibing, maganda't malakas kapag muling nabuhay; inilibing na katawang panlupa, muling mabubuhay bilang katawang panlangit. Kung may katawang panlupa, mayroon ding katawang panlangit. Ganito ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay;” ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay buhay. Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago ang panlangit. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit.
Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang panlupa ay di maaaring magmana ng buhay na walang hanggan.
Isang hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay.