Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Taga-Corinto 12:12-27

1 Mga Taga-Corinto 12:12-27 RTPV05

Si Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu. Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan. Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pahalagahan. Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging di gaanong marangal, upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, at sa halip ay magmalasakit sa isa't isa. Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat. Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito.