Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Cronica 16:1-36

1 Mga Cronica 16:1-36 RTPV05

Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh, at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas. Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel. Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang. Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos. Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh. Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan; ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam. Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan, ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan. Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan, ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang. Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin, sa tuwina'y parangalan siya at sambahin. Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa, ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga. Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod, ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob. Si Yahweh ang ating Diyos, nasa buong mundo ang kanyang mga utos. Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin, kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin. Ang ginawa niyang tipan kay Abraham, pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan. Kay Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan, walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman: “Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan. Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.” Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga, nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira. Sa maraming bansa sila'y natatagpuan, nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian. Di hinayaan ng Diyos sila'y alipinin, mga hari'y binalaang huwag silang aapihin. Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang, ang mga propeta ko ay iyong igalang.” Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan, ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan. Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian. Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan. Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan, siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan. Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang, ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan. Kanya ang kaluwalhatian at karangalan, lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan. Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa, dapat siyang kilalanin na marangal at dakila. Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan, bawat isa'y lumapit at siya ay handugan. Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan, sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa. Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa. Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa. “Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita. Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon, ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh. Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan. Purihin si Yahweh, sa kanyang kabutihan; pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman. Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan, tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban; upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.” Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, purihin siya ngayon at magpakailanman!

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya