Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ecclesiastico 51

51
Isang Awit ng Pasasalamat
1Pinasasalamatan kita, Panginoon ko at Hari;
pinupuri kita, aking Diyos at Tagapagligtas.
2Pinupuri kita sapagkat ipinagtanggol mo ako at inalalayan,
iniligtas sa kamatayan sa bitag ng dilang makamandag
at sa mga labing lumilikha ng kasinungalingan;
tinulungan mo ako laban sa aking mga kaaway.
3Sinaklolohan mo ako alang-alang sa iyong habag at banal na pangalan,
at iniligtas sa mga ngipin ng mga leong nag-aabang upang ako'y lamunin,
sa mga kamay ng mga naghahangad kumitil ng aking buhay,
at sa maraming kagipitang aking kinasuungan.
4Iniligtas mo ako sa apoy na nasa aking paligid,
sa gitna ng apoy na hindi naman ako ang nagpaningas.
5Hinango mo ako sa kalaliman ng bangin ng kamatayan,
iniligtas mo ako sa dilang marumi at sinungaling,
na nagpaparatang sa akin sa harapan ng hari.
6Ang buhay ko'y nabingit sa kamatayan,
ang kaluluwa ko'y nasa labi na ng Hades.
7Naliligid ako ng mga kaaway
at wala isa mang tumulong sa akin;
naghanap ako ng sasaklolo,
ngunit ako'y nabigo!
8At naalala ko, Panginoon, ang iyong habag,
at ang iyong mga gawa#51:8 mga gawa: Sa ibang manuskrito'y kagandahang-loob. mula pa sa pasimula;
tinutulungan mo ang mga matiyagang umaasa sa iyo
at inililigtas mo sila sa mga kuko ng kaaway.
9Kaya't tumawag ako sa iyo mula sa lupa
at hiniling kong iligtas mo ako sa kamatayan.
10Dumalangin ako sa iyo, Panginoon ko at Ama,#51:10 Ama: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay ama ng aking Panginoon.
na huwag mo akong pabayaan sa aking kagipitan,
sa oras na itong ako'y nasa kamay ng mga palalo.
11Lagi kitang pupurihin at aawitan ng pasasalamat.
Dininig mo ang aking dalangin
12at iniligtas mo ako sa kapahamakang nagbanta sa akin.
Kaya pinasasalamatan kita at pinupuri.
O Panginoon, pinupuri kita!
Ang Paghahanap ng Karunungan
13Nang ako'y bata pa, bago pa ako naglakbay,
ang lagi kong dalangin ay pagkalooban ako ng Karunungan.
14Nagpunta ako sa Templo at siya ang aking hiniling,
at siya kong hahanapin magpahanggang wakas.
15Mula sa aking kabataan hanggang sa aking pagtanda,
ang Karunungan lamang ang kagalakan ng aking puso.
Mula pa sa aking pagkabata, sinikap ko nang mamuhay nang matuwid,
masundan ko lamang ang landas ng Karunungan.
16Nang magsimula akong makinig ay nakamtan ko ang Karunungan;
sa gayon ay nakatuklas ako ng maraming aral.
17Lagi kong sinikap na matuto,
at nagpapasalamat ako sa lahat ng nagturo sa akin.
18Ang aking panata'y mamuhay ako ayon sa tuntunin ng Karunungan,
at sinikap kong laging gumawa ng mabuti,
at ito'y hindi ko pagsisisihan magpakailanman.
19Sinikap kong mabuti na mag-angkin ng Karunungan,
at naging maingat ako sa aking pag-uugali.
Lagi kong kinikilala ang aking kakapusan sa bagay na ito,
kaya't sa Diyos ako humihingi ng tulong.
20Siya ang laging hinahangad ng aking puso,
at natagpuan ko siya sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay.
Umunlad ako sa Karunungan mula pa nang siya'y aking natagpuan
at hindi ko na siya hihiwalayan kailanman.
21Dahil sa aking matiyagang pagsisikap na siya'y kamtan,
siya ngayon ang mahalaga kong kayamanan.
22At bilang gantimpala, binigyan ako ng Panginoon ng kakayahang magsalita nang mahusay,
kaya't gagamitin ko ito sa pagpupuri sa kanya.
23Halina kayo, mga dapat turuan,
at pumasok kayo sa aking paaralan.
24Kung kayo'y talagang nauuhaw sa karunungan,
bakit hindi ninyo lunasan ang inyong pangangailangan?
25Nananawagan ako upang siya'y ipakilala sa inyo;
tanggapin ninyo siya nang walang bayad.
26Hindi kailangang siya'y hanapin sa malayo,
ipailalim lamang ninyo ang inyong leeg sa kanyang pamatok,
at humandang tumanggap ng kanyang aral.
27Tingnan ninyo ang nangyari sa akin:
sa kaunting pagod lamang, nakamtan ko siya.
28Huwag kayong manghinayang sa magiging puhunan,
makamtan lamang ninyo ang Karunungan.
29Ipagdiwang ninyo ang kabutihan ng Panginoon
at huwag kayong mahiyang magpuri sa kanya.
30Gawin ninyo ang inyong tungkulin nang maaga,
at gagantihan kayo ng Diyos pagdating ng takdang oras.

Kasalukuyang Napili:

Ecclesiastico 51: MBBTAG12

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in