Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Baruc 3

3
1“Panginoong Makapangyarihan sa Lahat, Diyos ng Israel, kami po ay tumatawag sa inyo sa gitna ng aming pagdurusa. 2Dinggin ninyo kami at kahabagan, O Panginoon, sapagkat nagkasala kami sa inyo. 3Kayo po ang naghahari magpakailanman, samantalang kami'y namamatay at tuluyan nang naglalaho. 4Panginoong Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng Israel, dinggin ninyo ang aming panalangin. Kami po'y para nang mga patay. Nagkasala sa inyo ang aming mga ninuno nang sila'y hindi tumalima sa inyo, at kami ang nagdurusa dahil sa kanilang kasalanan. 5Huwag na po ninyong alalahanin ngayon ang kasalanan ng aming mga ninuno, kundi ang inyong pangalan at kapangyarihan. 6Sapagkat kayo lamang ang Panginoon naming Diyos, at kayo lamang ang lagi naming pupurihin. 7Ipinunla ninyo sa aming mga puso ang takot sa inyo upang kami ay tumawag sa inyong pangalan. Sa aming pagkabihag, pupurihin namin kayo, sapagkat tinalikuran na namin ang mga pagkakasalang ginawa sa inyo ng aming mga ninuno. 8Kami ngayon ay nasa gitna ng mga bansang pinagtapunan ninyo sa amin. Kinukutya at hinahamak nila kami. Pinaparusahan ninyo kami, Panginoon naming Diyos, dahil sa kasamaan ng aming mga ninuno na tumalikod sa inyo.”
Papuri sa Karunungan
9Dinggin#Kaw. 4:20-22. mo, Israel, ang mga kautusang nagbibigay-buhay;
makinig ka at nang ikaw ay matuto.
10Israel, bakit ka nasa lupain ng iyong mga kaaway?
Bakit ka tumanda sa ibang lupain?
Bakit itinakwil kang parang patay
11at ibinilang na sa mga nasa Hades?
12Nangyari ito sapagkat itinakwil mo ang bukal ng Karunungan.
13Kung lumakad ka lang sa landas ng Diyos,
sana'y namumuhay kang matiwasay sa habang panahon.
14Hanapin mo ang bukal ng pang-unawa, lakas at kaalaman,
at malalaman mo kung nasaan ang mahabang buhay,
ang liwanag na sa iyo'y papatnubay, at ang kapayapaan.
15May#Job 28:12, 20. nakatuklas na ba kung saan nakatira ang Karunungan,
o nakapasok sa kanyang taguan ng yaman?
16Nasaan ngayon ang mga tagapamahala ng mga bansa,
at namamahala sa mababangis na hayop?
17Nasaan ang mga naglibang sa panghuhuli ng mga ibon?
Nasaan ang mga nagtipon ng pilak at gintong pinagkatiwalaan ng tao,
at kailanma'y di nasiyahan sa kanilang naimpok?
18Nasaan ang mga nagsisikap magkamal ng salapi
ngunit wala namang iniwang bakas ng kanilang pinagpaguran?
19Pumanaw na silang lahat, lumipat na sila sa daigdig ng mga patay,
at may pumalit na sa kanila.
20May lumitaw ngang mga bagong lahi at nanirahan sa lupain.
Nakita nga nila ang liwanag ng araw
ngunit hindi nila nakita ang daan ng kaalaman.
Hindi rin nila natuklasan ang landas ng Karunungan
at hindi rin nila ito nakamtan.
21Naligaw ring tulad nila ang kanilang mga anak.
22Ang Karunungan ay hindi narinig ng mga Canaanita;
hindi ito nakita ng mga taga-Teman.
23Hindi rin ito natagpuan ng mga anak ni Hagar
at ng mga mangangalakal ng Meran at Teman.
Pawang nabigo rin ang mga nagkukuwento ng alamat
at nagsasaliksik ng karunungan.
24O Israel, anong laki ng sanlibutang pinaninirahan ng Diyos,
at anong lawak ng kanyang nasasakupan.
25Ito'y walang hangganan at di masusukat ang lapad at taas.
26Noong#Gen. 6:4; Kar. 14:6. unang panahon, isinilang ang mga higante,
malalaki't malalakas at batikang mandirigma.
27Ngunit hindi sila pinili ng Diyos,
hindi itinuro sa kanila ang landas ng kaalaman.
28Pumanaw sila dahil sa kawalan ng karunungan,
nalipol sila dahil sa kanilang kamangmangan.
29May nakaakyat na ba sa kalangitan
at nakapagbaba ng Karunungan mula sa mga ulap?
30Mayroon na bang nagtawid-dagat
upang bumili ng Karunungan sa pamamagitan ng ginto?
31Walang nakakaalam ng daan patungo sa kanya,
o nakatuklas ng paraan ng paglapit sa kanya.
32Ang Diyos na nakakaalam ng lahat ng bagay
ang tanging nakakakilala sa Karunungan.
Nauunawaan din niya ito sa pamamagitan ng kanyang kaalaman.
Siya ang lumikha at naglagay dito ng lahat ng uri ng mga hayop.
33Nag-utos siya at lumitaw ang liwanag;
nanginginig ito sa takot kapag siya'y tumatawag.
34Tinawag din niya ang mga bituin
at madali silang nagsitugon, “Narito kami.”
Lumagay sila sa kani-kanilang lugar at masayang nagniningning para bigyang-lugod ang lumikha sa kanila.
35Ito ang ating Diyos!
Walang makakapantay sa kanya.
36Alam niya ang daan ng Karunungan,
at ito'y ipinagkaloob niya sa lingkod niyang si Jacob,
kay Israel na kanyang minamahal.
37Mula noon, nakita na sa daigdig ang Karunungan,
at nanatili sa sangkatauhan.

Kasalukuyang Napili:

Baruc 3: MBBTAG12

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya