Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 18

18
Sa Corinto
1Pagkatapos, umalis si Pablo sa Atenas at nagpunta sa Corinto. 2Nakilala niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Emperador Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, 3at dahil sila'y manggagawa ng tolda tulad niya, siya ay nakitira sa kanila, at siya'y nagtrabahong kasama nila. 4Tuwing Araw ng Pamamahinga, si Pablo ay nakikipagpaliwanagan sa mga sinagoga, at sinisikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat, maging Judio o Griego.
5Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. 6Nang siya'y salungatin at laitin ng mga ito, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayo'y sa mga Hentil na ako mangangaral.” 7Kaya't umalis siya roon at tumira sa bahay ni Ticio#18:7 Ticio: Sa ibang manuskrito'y Tito. Justo, isang Hentil na may takot sa Diyos. Katabi ng sinagoga ang bahay nito. 8Si Crispo, na tagapamahala ng sinagoga, at ang kanyang sambahayan ay nanalig sa Panginoon. Marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari'y huwag kang titigil 10sapagkat ako'y nasa iyo. Hindi ka maaano sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11Kaya't nanatili siya roon at ipinangaral niya ang salita ng Diyos sa loob ng isang taon at kalahati.
12Subalit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, nagsama-sama ang mga Judio sa pagdakip kay Pablo at pagdadala sa kanya sa hukuman. 13Pagdating nila doon ay sinabi nila, “Hinihikayat ng taong ito ang mga mamamayan na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas!”
14Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatuwirang pakinggan ko kayo. 15Subalit ang sakdal ninyo'y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan, at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya kayo na ang bahalang lumutas niyan. Ayaw kong humatol sa bagay na iyan.” 16At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17Kaya't si Sostenes na tagapamahala ng sinagoga ang sinunggaban nila at binugbog sa harapan ng hukuman. Hindi naman iyon pinansin ni Galio.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
18Pagkatapos#Bil. 6:18. nito, matagal pang nanatili si Pablo sa Corinto at saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpagupit siya ng buhok sapagkat natupad na niya ang kanyang panata.#18:18 PANATA: Tinutukoy dito ang kaugaliang Judio ng pagpapagupit ng buhok bilang tanda na natupad na ang isang panata. Sumakay siya sa barkong papuntang Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. 19Pagdating sa Efeso, iniwan ni Pablo ang dalawa, at siya'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio at nakipagpaliwanagan sa mga naroon. 20Hiniling nilang tumigil siya roon nang mahaba-habang panahon, ngunit siya'y tumanggi. 21Sa halip, sinabi niya nang siya'y magpaalam sa kanila, “Babalik ako rito, kung loloobin ng Diyos.” Umalis siya sa Efeso, sakay ng isang barko.
22Pagdating sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya. Pagkatapos, siya'y nagtuloy sa Antioquia. 23Tumigil siya roon nang kaunting panahon, at pagkatapos ay muling naglakbay. Pinuntahan niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad doon.
Si Apolos sa Efeso at sa Corinto
24Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos. Siya'y taga-Alejandria, mahusay magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. 25Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Jesus. Ngunit hanggang sa bautismo ni Juan lamang ang kanyang nalalaman. 26Siya'y buong tapang na nagsasalita sa sinagoga ng mga Judio. Nang marinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mas mabuti tungkol sa Daan ng Diyos. 27At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sumulat sila sa mga mananampalataya sa Acaya na tanggapin si Apolos. Pagdating niya doon, malaki ang naitulong niya sa mga taong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay sumampalataya, 28sapagkat nadaig niya ang mga Judio sa kanilang pagtatalo sa harap ng madla. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Jesus ang Cristo.

Kasalukuyang Napili:

Mga Gawa 18: MBBTAG12

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in