1 Samuel 5
5
Dinala ang Kaban sa Templo ni Dagon
1Mula sa Ebenezer, ang Kaban ng Diyos ay dinala ng mga Filisteo sa Asdod. 2Ipinasok nila ito sa templo ng kanilang diyos na si Dagon at inilagay sa tabi nito. 3Kinaumagahan, nakita ng mga taga-Asdod na nakasubsob ang rebulto ni Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Kaya, binuhat nila ito at ibinalik sa dating lugar. 4Nang magbalik sila kinabukasan, nakita nilang nakasubsob na naman si Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan. Ang ulo at mga kamay nito ay putul-putol at nagkalat sa may pintuan; walang natirang buo kundi ang katawan. (5Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng sumasamba sa Asdod ay hindi tumutuntong kahit sa may pintuan ng templo nito.)
Pinarusahan ang mga Filisteo
6Pinarusahan ni Yahweh ang mga mamamayan ng Asdod at kanilang karatig-bayan. Sila'y natadtad ng bukol bilang parusa ni Yahweh. 7Dahil dito'y sinabi nila, “Kailangang alisin natin dito ang Kaban ng Diyos ng mga Israelita sapagkat pinaparusahan niya tayo at ang diyos nating si Dagon.” 8Kaya ipinatawag nila ang mga pinuno ng mga Filisteo at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Diyos ng Israel.
Nagkaisa silang dalhin iyon sa Lunsod ng Gat, at ganoon nga ang kanilang ginawa. 9Ngunit ang lunsod na iyon ay pinarusahan din ni Yahweh. Nagulo ang buong bayan sapagkat natadtad rin ng bukol ang mga tagaroon, bata man o matanda. 10Dahil dito, dinala nila sa Ekron ang Kaban, ngunit tumutol ang mga tagaroon. Sinabi nila, “Dinala nila rito ang Kabang ito para tayo naman ang ipapatay sa Diyos ng Israel.” 11Kaya, nakipagpulong sila sa mga Filisteo at kanilang sinabi, “Alisin ninyo rito ang Kaban ng Diyos ng Israel. Ibalik ninyo ito sa pinanggalingan bago tayo mamatay lahat.” Gulung-gulo ang lahat dahil sa takot sa parusa ng Diyos. 12Ang mga natirang buháy ay natadtad ng bukol. Abot hanggang langit ang paghingi nila ng saklolo.
Kasalukuyang Napili:
1 Samuel 5: MBBTAG12
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
New Testament © 2012 Philippine Bible Society
Old Testament © 2005 Philippine Bible Society