At sinabi nila sa kaniya, Hindi, kundi kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.
At sinabi ni Noemi, Kayo'y magsibalik, mga anak ko: bakit kayo'y yayaong kasama ko? may mga anak pa ba ako sa aking tiyan, na magiging inyong mga asawa?
Kayo'y magsibalik, mga anak ko, magpatuloy kayo ng inyong lakad; sapagka't ako'y totoong matanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, Ako'y may pagasa, kung ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkakaanak man;
Maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? magbabawa kaya kayo na magkaasawa? huwag, mga anak ko: sapagka't daramdamin kong mainam dahil sa inyo, sapagka't ang kamay ng Panginoon ay nanaw laban sa akin.
At inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak uli; at hinagkan ni Orpha ang kaniyang biyanan; nguni't si Ruth ay yumakap sa kaniya.
At sinabi niya, Narito, ang iyong hipag ay bumalik na sa kaniyang bayan, at sa kaniyang dios; bumalik kang sumunod sa iyong hipag.
At sinabi ni Ruth, Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios:
Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako, at doon ako ililibing; hatulan ako ng Panginoon at lalo na, maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin.
At nang makita ni Noemi na mapilit ng pagsama sa kaniya, ay tumigil ng pagsasalita sa kaniya.
Sa gayo'y yumaon silang dalawa hanggang sa sila'y dumating sa Beth-lehem. At nangyari, nang sila'y dumating sa Beth-lehem, na ang buong bayan ay napataka sa kanila; at sinabi ng mga babae, Ito ba'y si Noemi?
At sinabi niya sa kanila, Huwag na ninyo akong tawaging Noemi, tawagin ninyo akong Mara: sapagka't ginawan ako ng kapaitpaitan ng Makapangyarihan sa lahat.
Ako'y umalis na punó, at ako'y iniuwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Noemi, yamang ang Panginoon ay nagpatotoo laban sa akin, at dinalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?
Sa gayo'y nagsibalik si Noemi at si Ruth na Moabita, na kaniyang manugang na kasama niya, na nagsibalik mula sa lupain ng Moab: at sila'y nagsidating sa Beth-lehem sa pasimula ng pagaani ng sebada.