At ang mga apostol ay nangagpisan kay Jesus; at isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa, at ang lahat ng kanilang itinuro.
At sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo ng kaunti. Sapagka't marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain.
At nagsiyaon silang nangasa daong at nangapasa isang dakong ilang at bukod.
At nangakita sila ng mga tao sa pagalis, at sila'y nangakilala ng marami at paraparang nagsisitakbo na nagsiparoon doon mula sa lahat ng mga bayan, at nangaunang nagsirating pa kay sa kanila.
At lumabas siya at nakita ang lubhang maraming tao, at nahabag siya sa kanila, sapagka't sila'y gaya ng mga tupa na walang pastor: at siya'y nagpasimulang tinuruan sila ng maraming bagay.
At nang gumabi na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at nangagsabi, Ilang ang dakong ito, at gumagabi na;
Payaunin mo sila, upang sila'y magsiparoon sa mga bayan at mga nayon sa palibotlibot nito, at mangagsibili ng anomang makakain.
Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila sa kaniya, Magsisiyaon ba kami at magsisibili ng dalawang daang denariong tinapay, at ipakakain namin sa kanila?
At sinabi niya sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? magsiparoon kayo at inyong tingnan. At nang mangaalaman nila, ay kanilang sinabi, Lima, at dalawang isda.
At iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat na pulupulutong sa ibabaw ng damuhang sariwa.
At sila'y nagsiupong hanayhanay, na tigsasangdaan, at tiglilimangpu.
At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol ang mga tinapay; at ibinigay niya sa mga alagad upang ihain nila sa kanila; at ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.
At nagsikain silang lahat, at nangabusog.
At kanilang pinulot ang mga pinagputolputol, labingdalawang bakol na puno ng tinapay at mga isda naman.
At ang nagsikain ng mga tinapay ay limang libong lalake.