Sapagka't si Herodes din ang nagsugo sa mga kawal at nagpahuli kay Juan, at nagpatanikala sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Filipo na kaniyang kapatid; sapagka't nagasawa siya sa kaniya.
Sapagka't sinabi ni Juan kay Herodes, Hindi matuwid sa iyo na iyong ariin ang asawa ng iyong kapatid.
At ipinagtanim siya ni Herodias, at hinahangad siyang patayin; at hindi niya magawa;
Sapagka't natatakot si Herodes kay Juan palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matuwid at banal, at siya'y ipinagsanggalang niya. At kung siya'y pinakikinggan niya, ay natitilihan siyang mainam; at pinakikinggan niya siya na may galak.
At nang sumapit ang isang kaukulang araw, na kapanganakan niya, ay ipinaghanda ni Herodes ng isang hapunan ang kaniyang mga maginoo, at mga mataas na kapitan, at mga pangulong lalake sa Galilea;
At nang pumasok ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw, at siya'y kinalugdan ni Herodes at ng mga kasalo niyang nakaupo sa dulang; at sinabi ng hari sa dalaga, Hingin mo sa akin ang maibigan mo, at ibibigay ko sa iyo.
At ipinanumpa niya sa kaniya, Ang anomang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.
At lumabas siya, at sinabi sa kaniyang ina, Ano ang aking hihingin? At sinabi niya, Ang ulo ni Juan ang Mangbabautismo.
At pagdaka'y pumasok siyang dalidali sa kinaroroonan ng hari, at humingi, na sinasabi, Ibig ko na ngayon din ang ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.
At namanglaw na lubha ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang sumpa, at sa nangakaupo sa dulang, ay hindi niya itinanggi.
At pagdaka'y nagsugo ang hari sa isang kawal na kaniyang bantay, at ipinagutos na dalhin sa kaniya ang ulo niya: at yumaon siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan,
At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga; at ibinigay ng dalaga sa kaniyang ina.
At nang mabalitaan ng kaniyang mga alagad, ay nagsiparoon sila at binuhat ang kaniyang bangkay, at inilagay sa isang libingan.