At sinabi niya sa kanila, Dinadala baga ang ilaw upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi baga upang ilagay sa talagang lalagayan ng ilaw?
Sapagka't walang anomang bagay na natatago, kundi upang mahayag; ni nalilihim, kundi yao'y upang mapasa liwanag.
Kung ang sinoman ay may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.
At sinabi niya sa kanila, Ingatan ninyo kung ano ang inyong pinakikinggan: sa panukat na inyong isinusukat ay kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.
Sapagka't ang mayroon, ay bibigyan pa; at ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin pa sa kaniya.
At sinabi niya, Ganyan ang kaharian ng Dios, na gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa;
At natutulog at nagbabangon sa gabi at araw, at sumisibol at lumalaki ang binhi na di niya nalalaman kung paano.
Sa kaniyang sarili ay nagbubunga ang lupa; una-una'y usbong, saka uhay, pagkatapos ay butil na humihitik sa uhay.
Datapuwa't pagka hinog na ang bunga, ay ginagamit agad ang panggapas, sapagka't dumating na ang pagaani.
At kaniyang sinabi, Sa ano natin itutulad ang kaharian ng Dios? o sa anong talinghaga isasaysay natin ito?
Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mostasa, na pagkahasik sa lupa, bagama't siyang lalong pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nangasa lupa,
Gayon ma'y pagkatanim, ay tumataas, at lumalaki ng higit kay sa lahat ng mga gulay, at nagsasanga ng malalabay; ano pa't ang mga ibon sa langit ay mangakasisilong sa kaniyang lilim.
At sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ay sinasaysay niya sa kanila ang salita, ayon sa makakaya ng kanilang pakinig;
At hindi sila kinakausap kundi sa talinghaga: datapuwa't sa kaniyang sariling mga alagad ay bukod na ipinaliliwanag ang lahat ng mga bagay.
At nang araw ding yaon, nang gabi na, ay sinabi niya sa kanila, Tumawid tayo sa kabilang ibayo.
At pagkaiwan sa karamihan, ay kanilang dinala siya sa daong, ayon sa kaniyang kalagayan. At mayroon siyang kasamang ibang mga daong.
At nagbangon ang isang malakas na bagyo, at sinasalpukan ang daong ng mga alon, na ano pa't ang daong ay halos natitigib.
At siya'y natutulog sa hulihan sa ibabaw ng kutson; at siya'y ginising nila, at sinabi sa kaniya, Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?
At gumising siya, at sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, Pumayapa, tumahimik ka. At humimpil ang hangin, at humusay na totoo ang panahon,
At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?
At sila'y nangatakot na lubha, at sila-sila'y nangagsasabihan, Sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?