Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 14:17-52

MARCOS 14:17-52 ABTAG

At nang gumabi na ay naparoon siyang kasama ang labingdalawa. At samantalang sila'y nangakaupo na at nagsisikain, ay sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang isa sa inyo na kasalo kong kumakain, ay ipagkakanulo ako. Sila'y nagpasimulang nangamanglaw, at isaisang nagsabi sa kaniya, Ako baga? At sinabi niya sa kanila, Isa nga sa labingdalawa, yaong sumabay sa aking sumawsaw sa pinggan. Sapagka't papanaw ang Anak ng tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak. At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot siya ng tinapay, at nang kaniyang mapagpala, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, at sinabi, Inyong kunin: ito ang aking katawan. At siya'y dumampot ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay ibinigay niya sa kanila: at doo'y nagsiinom silang lahat. At sinabi niya sa kanila, Ito'y ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom ng bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago sa kaharian ng Dios. At pagkaawit nila ng isang imno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo. At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangatitisod: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa. Gayon ma'y pagkapagbangon ko, ay mauuna ako sa inyo sa Galilea. Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Bagama't mangatitisod ang lahat, nguni't ako'y hindi. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ng makalawa, ay ikakaila mo akong makaitlo. Datapuwa't lalo nang nagmatigas siya na sinabi, Kahima't kailangang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ikakaila. At sinabi rin naman ng lahat ang gayon din. At nagsirating sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani: at sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y nananalangin. At kaniyang isinama si Pedro at si Santiago at si Juan, at nagpasimulang nagtakang totoo, at namanglaw na mainam. At sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang aking kaluluwa, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at mangagpuyat. At lumakad siya sa dako pa roon, at nagpatirapa sa lupa, at idinalangin na, kung mangyayari, ay makalampas sa kaniya ang oras. At kaniyang sinabi, Abba, Ama, may pangyayari sa iyo ang lahat ng mga bagay; ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo. At siya'y lumapit, at naratnang sila'y nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Simon, natutulog ka baga? hindi ka makapagpuyat ng isang oras? Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman. At muli siyang umalis, at nanalangin, na sinabi ang gayon ding mga salita. At muli siyang nagbalik, at naratnang sila'y nangatutulog, sapagka't nangabibigatang totoo ang kanilang mga mata; at wala silang maalamang sa kaniya'y isagot. At lumapit siyang bilang ikatlo, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: sukat na; dumating na ang oras; narito, ang Anak ng tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin. At pagdaka, samantalang nagsasalita pa siya, ay dumating si Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang isang karamihang may mga tabak at mga panghampas, na mula sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba at sa matatanda. Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga; hulihin ninyo siya, at dalhin ninyo siyang maingat. At nang dumating siya, pagdaka'y lumapit siya sa kaniya, at nagsabi, Rabi; at siya'y hinagkan. At siya'y sinunggaban nila, at siya'y kanilang dinakip. Datapuwa't isa sa nangaroon ay nagbunot ng kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kaniyang tainga. At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Kayo baga'y nagsilabas, na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako? Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo, na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuli: nguni't nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan. At iniwan siya ng lahat, at nagsitakas. At sinundan siya ng isang binata, na nababalot ng isang kumot ang katawan niyang hubo't hubad: at hinawakan nila siya; Datapuwa't kaniyang binitiwan ang kumot, at tumakas na hubo't hubad.