Pagkaraan nga ng dalawang araw ay kapistahan ng paskua at ng mga tinapay na walang lebadura: at pinagsisikapan ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba kung paanong siya'y huhulihin sa pamamagitan ng daya, at siya'y maipapatay. Sapagka't sinasabi nila, Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang bayan. At samantalang siya'y nasa Betania sa bahay ni Simon na ketongin, samantalang siya'y nakaupo sa pagkain, ay dumating ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng unguentong nardo na totoong mahalaga; at binasag niya ang sisidlan, at ibinuhos sa kaniyang ulo. Datapuwa't may ilan na nangagalit sa kanilang sarili, na nagsipagsabi, Ano ang layon ng pagaaksayang ito ng unguento? Sapagka't ang unguentong ito'y maipagbibili ng mahigit sa tatlong daang denario, at maibibigay sa mga dukha. At inupasalaan nila ang babae. Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo siya; bakit ninyo siya binabagabag? mabuting gawa ang ginawa niya sa akin. Sapagka't laging nasa inyo ang mga dukha, at kung kailan man ibigin ninyo ay mangyayaring magawan ninyo sila ng magaling: datapuwa't ako'y hindi laging nasa inyo. Ginawa niya ang kaniyang nakaya; nagpauna na siya na pahiran ang katawan ko sa paglilibing sa akin. At katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saan man ipangaral ang evangelio sa buong sanglibutan, ay sasaysayin din ang ginawa ng babaing ito sa pagaalaala sa kaniya. At si Judas Iscariote, na isa sa labingdalawa, ay naparoon sa mga pangulong saserdote, upang maipagkanulo niya siya sa kanila. At sila, pagkarinig nila nito, ay nangatuwa, at nagsipangakong siya'y bibigyan ng salapi. At pinagsikapan niya kung paanong siya ay kaniyang maipagkakanulo sa kapanahunan.
Basahin MARCOS 14
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MARCOS 14:1-11
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas