Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 1:23-45

MARCOS 1:23-45 ABTAG

At pagdaka'y may isang tao sa kanilang sinagoga na may isang karumaldumal na espiritu; at siya'y sumigaw, Na nagsasabi, Anong pakialam namin sa iyo, Jesus ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami'y puksain? Nakikilala kita kung sino ka, ang Banal ng Dios. At sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya. At ang karumaldumal na espiritu, nang mapangatal niya siya at makapagsisigaw ng malakas na tinig, ay lumabas sa kaniya. At silang lahat ay nangagtaka, ano pa't sila-sila rin ay nangagtatanungan, na sinasabi, Ano kaya ito? isang bagong aral yata! may kapamahalaang naguutos pati sa mga karumaldumal na espiritu, at siya'y tinatalima nila. At lumipana pagdaka ang pagkabantog niya sa lahat ng dako sa buong palibotlibot ng lupain ng Galilea. At paglabas nila sa sinagoga, ay nagsipasok pagdaka sa bahay ni Simon at ni Andres, na kasama si Santiago at si Juan. Nakahiga ngang nilalagnat ang biyanang babae ni Simon; at pagdaka'y pinakiusapan nila siya tungkol sa kaniya: At lumapit siya at tinangnan niya sa kamay, at siya'y itinindig; at inibsan siya ng lagnat, at siya'y naglingkod sa kanila. At nang kinagabihan, paglubog ng araw, ay kanilang dinala sa kaniya ang lahat ng mga may-sakit, at ang mga inaalihan ng mga demonio. At ang buong bayan ay nangagkatipon sa pintuan. At nagpagaling siya ng maraming may karamdaman ng sarisaring sakit, at nagpalabas ng maraming demonio; at hindi tinulutang magsipagsalita ang mga demonio, sapagka't siya'y kanilang kilala. At nagbangon siya nang madaling-araw, na malalim pa ang gabi, at lumabas, at napasa isang dakong ilang, at doo'y nanalangin. At si Simon at ang kasamahan niya ay nagsisunod sa kaniya; At siya'y nasumpungan nila, at sinabi sa kaniya, Hinahanap ka ng lahat. At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon tayo sa ibang dako ng mga kalapit na bayan, upang ako'y makapangaral din naman doon; sapagka't sa ganitong dahilan ako'y naparito. At siya'y pumasok sa mga sinagoga nila sa buong Galilea, na nangangaral at nagpapalabas ng mga demonio. At lumapit sa kaniya ang isang ketongin, na namamanhik sa kaniya, at nanikluhod sa kaniya, at sa kaniya'y nagsasabi, Kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako. At sa pagkaawa ay iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya'y hinipo, at sinabi sa kaniya, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nawalan siya ng ketong, at siya'y nalinis. At siya'y kaniyang pinagbilinang mahigpit, at pinaalis siya pagdaka, At sinabi sa kaniya, Ingatan mong huwag sabihin sa kanino mang tao ang anoman: kundi yumaon ka, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo ng mga bagay na ipinagutos ni Moises, na bilang isang patotoo sa kanila. Datapuwa't siya'y umalis, at pinasimulang ipamalitang mainam, at ipahayag ang nangyari, ano pa't hindi na makapasok ng hayag si Jesus sa bayan, kundi dumoon sa labas sa mga dakong ilang: at pinagsasadya nila siya mula sa lahat ng panig.