Nang unang araw nga ng mga tinapay na walang lebadura ay nagsilapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsisipagsabing, Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ng kordero ng paskua?
At sinabi niya, Magsipasok kayo sa bayan sa gayong tao, at sabihin ninyo sa kaniya, Sinabi ng Guro, malapit na ang aking panahon; sa iyong bahay magpapaskua ako pati ng aking mga alagad.
At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinagutos sa kanila ni Jesus; at inihanda nila ang kordero ng paskua.
Nang dumating nga ang gabi, ay nakaupo siya sa pagkain na kasalo ang labingdalawang alagad;
At samantalang sila'y nagsisikain, ay sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.
At sila'y lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa't isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon?
At siya'y sumagot at sinabi, Yaong kasabay kong idampot ang kamay sa pinggan, ay siya ring magkakanulo sa akin.
Ang Anak ng tao ay papanaw, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong magkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sana sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak.
At si Judas, na sa kaniya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, Ako baga, Rabi? Sinabi niya sa kaniya, Ikaw ang nagsabi.
At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang aking katawan.
At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan;
Sapagka't ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin kong panibago na mga kasalo ko kayo sa kaharian ng aking Ama.
At pagkaawit nila ng isang himno, ay nagsiparoon sila sa bundok ng mga Olivo.
Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangagdaramdam sa akin sa gabing ito: sapagka't nasusulat, Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa ng kawan.