Nang magkagayo'y lumapit si Pedro at sinabi sa kaniya, Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya'y aking patatawarin? hanggang sa makapito?
Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.
Kaya't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari, na nagibig na makipagusap sa kaniyang mga alipin.
At nang siya'y magpasimulang makipaghusay, ay iniharap sa kaniya ang isa sa kaniya'y may utang na sangpung libong talento.
Datapuwa't palibhasa'y wala siyang sukat ibayad, ipinagutos ng kaniyang panginoon na siya'y ipagbili, at ang kaniyang asawa't mga anak, at ang lahat niyang tinatangkilik, at nang makabayad.
Dahil dito ang alipin ay nagpatirapa at sumamba sa kaniya, na nagsasabi, Panginoon, pagtiisan mo ako, at pagbabayaran ko sa iyong lahat.
At sa habag ng panginoon sa aliping yaon, ay pinawalan siya, at ipinatawad sa kaniya ang utang.
Datapuwa't lumabas ang aliping yaon, at nasumpungan ang isa sa mga kapuwa niya alipin, na sa kaniya'y may utang na isang daang denario: at kaniyang hinawakan siya, at sinakal niya, na sinasabi, Bayaran mo ang utang mo.
Kaya't nagpatirapa ang kaniyang kapuwa alipin at namanhik sa kaniya, na nagsasabi, Pagtiisan mo ako, at ikaw ay pagbabayaran ko.
At siya'y ayaw: at yumaon at siya'y ipinabilanggo hanggang sa magbayad siya ng utang.
Nang makita nga ng kaniyang mga kapuwa alipin ang nangyari, ay nangamanglaw silang lubha, at nagsiparoon at isinaysay sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.
Nang magkagayo'y pinalapit siya ng kaniyang panginoon, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw na aliping masama, ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na yaon, sapagka't ipinamanhik mo sa akin:
Hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapuwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo?
At nagalit ang kaniyang panginoon, at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya'y magbayad ng lahat ng utang.
Gayon din naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa kalangitan, kung hindi ninyo patatawarin sa inyong mga puso, ng bawa't isa ang kaniyang kapatid.