Pagkatapos ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, makailang ulit magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at siya'y aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?”
Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito.
“Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang hari, na nagnais na makipag-ayos sa kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang.
Nang pasimulan na niya ang pagkukuwenta, iniharap sa kanya ang isang nagkakautang sa kanya ng sampung libong talento.
Palibhasa'y wala siyang maibayad, ipinag-utos ng panginoon niya na siya'y ipagbili, pati ang kanyang asawa at mga anak, at ang lahat ng kanyang ari-arian upang sila'y makabayad.
Dahil dito'y nanikluhod ang alipin, na nagsasabi, ‘Panginoon, pagpasensyahan mo ako, at babayaran kong lahat sa iyo.’
Dahil sa habag ng panginoon sa aliping iyon, siya ay pinalaya at pinatawad sa kanyang utang.
Ngunit ang alipin ding iyon, sa kanyang paglabas, ay natagpuan ang isa sa mga kapwa niya alipin na nagkautang sa kanya ng isandaang denario. Sinunggaban niya ito, sinakal, at sinabihan, ‘Bayaran mo ang utang mo.’
Kaya't nanikluhod ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, ‘Pagpasensyahan mo ako, at babayaran kita.’
Ngunit ayaw niya. Siya'y umalis at ipinabilanggo ang kapwa alipin hanggang sa mabayaran nito ang utang.
Nang makita ng mga kapwa alipin ang nangyari, sila ay labis na nabahala. Umalis sila at isinumbong sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.
Kaya't ipinatawag siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masamang alipin! Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin.
Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?’
At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang.
Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid.”