Pakinggan nga ninyo ang talinghaga tungkol sa manghahasik.
Kung ang sinoman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito'y hindi niya napaguunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kaniyang puso. Ito yaong nahasik sa tabi ng daan.
At ang nahasik sa mga batuhan, ay yaong nakikinig ng salita, at pagdaka'y tinatanggap ito ng buong galak;
Gayon ma'y wala siyang ugat sa kaniyang sarili, kundi sangdaling tumatagal; at pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka'y natitisod siya.
At ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; nguni't ang pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao'y nagiging walang bunga.
At ang nahasik sa mabuting lupa, ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita; na siyang katotohanang nagbubunga, ang ila'y tigisang daan, ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu.
Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid:
Datapuwa't samantalang nangatutulog ang mga tao, ay dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pangsirang damo sa pagitan ng trigo, at umalis.
Datapuwa't nang sumibol ang usbong at mamunga, ay lumitaw nga rin ang mga pangsirang damo.
At ang mga alipin ng puno ng sangbahayan ay nagsiparoon at nangagsabi sa kaniya, Ginoo, hindi baga naghasik ka ng mabuting binhi sa iyong bukid? saan kaya nangagmula ang mga pangsirang damo?
At sinabi niya sa kanila, Isang kaaway ang gumawa nito. At sinabi sa kaniya ng mga alipin, Ibig mo baga na kami nga'y magsiparoon at ang mga yao'y pagtipunin?
Datapuwa't sinabi niya, Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga pangsirang damo, ay inyong mabunot pati ng trigo.
Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa't tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan.
Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mostasa, na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kaniyang bukid:
Na siya ngang lalong maliit sa lahat ng mga binhi; datapuwa't nang tumubo, ay lalong malaki kay sa mga gulay, at nagiging punong kahoy, ano pa't nagsisiparoon ang mga ibon sa langit at sumisilong sa kaniyang mga sanga.
Sinalita niya sa kanila ang ibang talinghaga: Ang kaharian ng langit ay tulad sa lebadura, na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat.
Lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa mga karamihan sa mga talinghaga; at kung hindi sa talinghaga ay hindi niya sila kinakausap:
Upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
Bubukhin ko ang aking bibig sa mga talinghaga;
Sasaysayin ko ang mga natatagong bagay buhat nang itatag ang sanglibutan.