Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 7:39-50

LUCAS 7:39-50 ABTAG

Nang makita nga ito ng Fariseo na sa kaniya'y naganyaya, ay nagsalita sa kaniyang sarili, na sinasabi, Ang taong ito, kung siya'y isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya'y humihipo, na siya'y makasalanan. At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Simon, ako'y may isang bagay na sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Guro, sabihin mo. Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa'y may utang na limang daang denario, at ang isa'y limangpu. Nang sila'y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya? Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya ng lalong malaki. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang pagkahatol mo. At paglingon sa babae, ay sinabi niya kay Simon, Nakikita mo baga ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig na ukol sa aking mga paa: datapuwa't dinilig niya ang aking mga paa ng kaniyang mga luha, at kinuskos ng kaniyang buhok. Hindi mo ako binigyan ng halik: datapuwa't siya, buhat nang ako'y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa aking mga paa. Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo: datapuwa't pinahiran niya ng unguento ang aking mga paa. Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka't siya ay umibig ng malaki: datapuwa't sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig. At sinabi niya sa babae, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan. At ang mga kasalo niyang nangakaupo sa dulang ng pagkain ay nagpasimulang nangagsabi sa kanilang sarili, Sino ito, na nagpapatawad pati ng mga kasalanan? At sinabi niya sa babae, Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.