At nang may oras na ikaanim na, ay nagdilim sa ibabaw ng buong lupa, hanggang sa oras na ikasiyam,
At nagdilim ang araw: at nahapak sa gitna ang tabing ng templo.
At si Jesus, na sumigaw ng malakas na tinig, ay nagsabi, Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga.
At nang makita ng senturion ang nangyari, ay niluwalhati niya ang Dios na nagsasabi, Tunay na ito'y isang taong matuwid.
At ang lahat ng mga karamihang nangagkatipon sa panonood nito, pagkakita nila sa mga bagay na nangyari ay nangagsiuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
At ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kaniya'y nagsisunod buhat sa Galilea, at nangasa malayo na pinagmamasdan ang mga bagay na ito.
At narito ang isang lalaking nagngangalang Jose, na isang kasangguni, isang lalaking mabuti at matuwid
(Siya'y hindi umayon sa kanilang payo at gawa), isang lalaking taga Arimatea, bayan ng mga Judio, na naghihintay ng kaharian ng Dios;
Ang taong ito'y naparoon kay Pilato: at hiningi ang bangkay ni Jesus.
At ito'y ibinababa niya, at binalot ng isang kayong lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang nalilibing.
At noo'y araw ng Paghahanda, at nalalapit na ang sabbath.
At ang mga babae, na nagsisama sa kaniya mula sa Galilea, ay nagsisunod, at tiningnan ang libingan, at kung paano ang pagkalagay ng kaniyang bangkay.
At sila'y nagsiuwi, at nangaghanda ng mga pabango at mga unguento.
At nang araw ng sabbath sila'y nangagpahinga ayon sa utos.