Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 22:35-62

LUCAS 22:35-62 ABTAG

At sinabi niya sa kanila, Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga pangyapak, kinulang baga kayo ng anoman? At kanilang sinabi, Hindi. At sinabi niya sa kanila, Nguni't ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayon din ang supot ng pagkain; at ang wala, ay ipagbili niya ang kaniyang balabal, at bumili ng isang tabak. Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, At ibinilang siya sa mga suwail: sapagka't ang nauukol sa akin ay may katuparan. At sinabi nila, Panginoon, narito ang dalawang tabak. At sinabi niya sa kanila, Sukat na. At siya'y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad. At nang siya'y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso. At siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya'y nanikluhod at nanalangin, Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo. At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya. At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa. At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis, At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso. Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang karamihan, at siyang tinatawag na Judas, na isa sa labingdalawa, ay nangunguna sa kanila; at siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan. Datapuwa't sinabi ni Jesus sa kaniya, Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao? At nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari, ay kanilang sinabi, Panginoon, magsisipanaga baga kami ng tabak? At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kanang tainga niya. Datapuwa't sumagot si Jesus, na nagsabi, Pabayaan ninyo sila hanggan dito. At hinipo niya ang tainga ng alipin, at ito'y pinagaling. At sinabi ni Jesus sa mga pangulong saserdote, at sa mga punong kawal sa templo, at sa mga matanda, na nagsidating laban sa kaniya, Kayo'y nagsilabas, na tila laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas? Nang ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, ay hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin; datapuwa't ito ang inyong oras, at ang kapangyarihan ng kadiliman. At kanilang dinakip siya, at dinala siya, at ipinasok siya sa bahay ng pangulong saserdote. Datapuwa't sa malayo'y sumusunod si Pedro. At nang makapagpadikit nga sila ng apoy sa gitna ng looban, at mangakaupong magkakasama, si Pedro ay nakiumpok sa gitna nila. At isang alilang babae, na nakakakita sa kaniya samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, ay tinitigan siya, at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya. Datapuwa't siya'y nagkaila, na nagsasabi, Babae, hindi ko siya nakikilala. At pagkaraan ng isang sangdali ay nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, ako'y hindi. At nang makaraan ang may isang oras, ay pinatotohanan ng iba pa, na nagsasabi, Sa katotohanan, ang taong ito'y kasama rin niya; sapagka't siya'y Galileo. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok. At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo. At siya'y lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan.