At nangyari, sa isa sa mga araw, samantalang tinuturuan niya ang bayan sa templo, at ipinangangaral ang evangelio, na nagsilapit sa kaniya ang mga saserdote, at ang mga eskriba pati ng matatanda;
At sila'y nangagsalita, na nangagsasabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?
At siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Tatanungin ko naman kayo ng isang tanong; at sabihin ninyo sa akin:
Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao?
At sila'y nangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?
Datapuwa't kung sabihin natin, Mula sa mga tao; ay babatuhin tayo ng buong bayan, sapagka't sila'y nanganiniwala na si Juan ay propeta.
At sila'y nagsisagot, na hindi nila nalalaman kung saan mula.
At sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.
At siya'y nagpasimulang magsabi sa bayan ng talinghagang ito: Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at ipinagkatiwala sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain na mahabang panahon.
At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang siya'y bigyan ng bunga ng ubas: datapuwa't hinampas siya ng mga magsasaka, at pinauwing walang dala.
At nagsugo pa siya ng ibang alipin: at ito nama'y kanilang hinampas, at inalimura, at pinauwing walang dala.
At nagsugo pa siya ng ikatlo: at kanila ring sinugatan ito, at pinalayas.
At sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? aking susuguin ang minamahal kong anak; marahil siya'y igagalang nila.
Datapuwa't nang makita siya ng mga magsasaka, ay nangagsangusapan sila, na sinasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin upang ang mana ay maging atin.
At itinaboy nila siya sa ubasan, at pinatay siya. Ano nga kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?
Paroroon siya at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa mga iba. At nang marinig nila ito, ay sinabi nila, Huwag nawang mangyari.
Datapuwa't kaniyang tinitigan sila, at sinabi, Ano nga baga ito na nasusulat,
Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali.
Ay siya ring ginawang pangulo sa panulok?
Ang bawa't mahulog sa ibabaw ng batong yaon ay madudurog; datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay kaniyang pangangalating gaya ng alabok.
At pinagsisikapan siyang hulihin sa oras ding yaon ng mga eskriba at ng mga pangulong saserdote; at sila'y nangatatakot sa bayan: sapagka't nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila.
At siya'y inaabangan nila, at sila'y nangagsugo ng mga tiktik, na nangagpakunwaring mga matuwid, upang siya'y mahuli sa kaniyang salita, na siya'y maibigay sa pamiminuno at sa kapamahalaan ng gobernador.
At kanilang tinanong siya, na sinasabi, Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid, at wala kang itinatanging tao, kundi itinuturo mo ang katotohanan ng daan ng Dios.
Matuwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar, o hindi?
Datapuwa't napagkilala niya ang kanilang lalang, at sinabi sa kanila,
Pagpakitaan ninyo ako ng isang denario. Kanino ang larawan at ang nasusulat dito? At sinabi nila, Kay Cesar.
At sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios.
At sila'y hindi nakahuli sa kaniyang mga pananalita sa harap ng bayan: at sila'y nanganggilalas sa kaniyang sagot, at hindi nangagsiimik.