At dinala naman nila sa kaniya ang kanilang mga sanggol, upang kaniyang hipuin sila; datapuwa't nang mangakita ito ng mga alagad, ay sila'y sinaway nila.
Datapuwa't pinalapit sila ni Jesus sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.
At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?
At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit mo ako tinatawag na mabuti? walang mabuti, kundi isa, ang Dios lamang.
Talastas mo ang mga utos, Huwag kang mangalunya, Huwag kang pumatay, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ina.
At sinabi niya, Ginanap ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.
At nang marinig ito ni Jesus, ay sinabi niya sa kaniya, Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.
Datapuwa't nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y namanglaw na lubha; sapagka't siya'y totoong mayaman.
At sa pagmamasid sa kaniya ni Jesus ay sinabi, Pagkahiraphirap na makapasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!
Sapagka't magaan pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Dios.
At sinabi ng mga nakarinig nito, Sino nga kaya ang makaliligtas?
Datapuwa't sinabi niya, Ang mga bagay na di mangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Dios.
At sinabi ni Pedro, Narito, iniwan namin ang aming sarili, at nagsisunod sa iyo.
At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Dios,
Na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at sa sanglibutang darating, ng walang hanggang buhay.
At isinama niya ng bukod ang labingdalawa, at sa kanila'y sinabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta ay mangagaganap sa Anak ng tao.
Sapagka't siya'y ibibigay sa mga Gentil, at siya'y aalimurahin, at duduwahaginin, at luluraan.
At kanilang papaluin at papatayin siya: at sa ikatlong araw ay muling magbabangon siya.
At wala silang napagunawa sa mga bagay na ito; at ang sabing ito ay nalingid sa kanila, at hindi nila napagtalastas ang sinabi.
At nangyari, na nang nalalapit na sila sa Jerico, isang bulag ay nakaupo sa tabi ng daan na nagpapalimos:
At pagkarinig na nagdaraan ang maraming tao, ay itinanong niya kung ano ang ibig sabihin noon.
At sinabi nila sa kaniya, na nagdaraan si Jesus na taga Nazaret.
At siya'y nagsisigaw, na sinasabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.
At siya'y sinaway ng nangasa unahan, upang siya'y tumahimik: datapuwa't siya'y lalong nagsisigaw, Ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.
At si Jesus ay tumigil, at ipinagutos na dalhin siya sa kaniya: at nang mailapit siya, ay itinanong niya sa kaniya,
Anong ibig mo na sa iyo'y gawin ko? At sinabi niya, Panginoon, na tanggapin ko ang aking paningin.
At sinabi sa kaniya ni Jesus, Tanggapin mo ang iyong paningin: pinagaling ka ng pananampalataya mo.
At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at sumunod sa kaniya, na niluluwalhati ang Dios: at pagkakita nito ng buong bayan, ay nangagpuri sa Dios.