Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila.
Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.”
Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
Nalalaman mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.
Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman.
Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos!
Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
At sinabi ng mga nakarinig nito, “Sino kaya ang maliligtas?”
Subalit sinabi niya, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”
Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo.”
At sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,
na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan.”
Isinama niya ang labindalawa at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, umaahon tayo tungo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad.
Sapagkat siya'y ibibigay sa mga Hentil at siya'y lilibakin, hahamakin, at luluraan,
kanilang hahagupitin siya at papatayin at sa ikatlong araw siya ay muling mabubuhay.”
Ngunit wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang salitang ito ay naikubli sa kanila, at hindi nila naunawaan ang sinabi.
Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.
At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito.
Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.
At siya'y sumigaw, “Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin.”
Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”
At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong,
“Anong ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ako sana'y muling makakita.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos.