Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 11:33-54

LUCAS 11:33-54 ABTAG

Walang taong pagkapagpaningas niya ng isang ilawan, ay ilalagay sa isang dakong tago, ni sa ilalim man ng takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw, upang ang nagsisipasok ay makita ang ilaw. Ang ilawan ng katawan mo ay ang iyong mata: kung magaling ang iyong mata, ang buong katawan mo naman ay puspos ng liwanag; datapuwa't kung ito'y may sakit, ang katawan mo nama'y puspos ng kadiliman. Masdan mo nga kung ang ilaw na nasa iyo ay baka kadiliman. Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay puspos ng liwanag, na walang anomang bahaging madilim, ito'y lubos na mapupuspos ng liwanag, na gaya ng pagliliwanag sa iyo ng ilawang may liwanag na maningning. Samantala ngang siya'y nagsasalita, ay inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya: at siya'y pumasok, at naupo sa dulang. At nang makita ito ng Fariseo, ay nagtaka na siya'y hindi muna naghugas bago mananghali. At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Gayon nga kayong mga Fariseo na nililinis ninyo ang dakong labas ng saro at ng pinggan; datapuwa't ang loob ninyo'y puno ng panglulupig at kasamaan. Kayong mga haling, di baga ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob? Datapuwa't ilimos ninyo ang mga bagay na nasa kalooban; at narito, ang lahat ng mga bagay ay malilinis sa inyo. Datapuwa't sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, at ng ruda, at ng bawa't gugulayin, at pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pagibig ng Dios: datapuwa't dapat ngang gawin ninyo ang mga ito, at huwag pabayaan di ginagawa ang mga yaon. Sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't inyong iniibig ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan. Sa aba ninyo! sapagka't kayo'y tulad sa mga libingang hindi nakikita, at di nalalaman ng mga taong nagsisilakad sa ibabaw nila. At pagsagot ng isa sa mga tagapagtanggol ng kautusan, ay nagsabi sa kaniya, Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong pinupulaan. At sinabi niya, Sa aba rin naman ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasang mahihirap dalhin, at hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasan. Sa aba ninyo! sapagka't inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, at ang mga yao'y pinatay ng inyong mga magulang. Kayo nga'y mga saksi at nagsisisangayon sa mga gawa ng inyong mga magulang: sapagka't pinatay ng mga ito ang mga yaon, at itinatayo ninyo ang kanilang mga libingan. Kaya nga, sinasabi naman ng karunungan ng Dios, Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin; Upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta, na ibinubo buhat nang itatag ang sanglibutan; Mula sa dugo ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuario: oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito. Sa aba ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inalis ninyo ang susi ng karunungan: hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok. At paglabas niya roon, ay nangagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na higpitang mainam siya, at akitin siyang magsalita ng maraming mga bagay; Na siya'y inaabangan, upang makahuli sa kaniyang bibig ng anoman.