At malapit na ang paskua ng mga Judio, at umahon si Jesus sa Jerusalem. At nasumpungan niya sa templo yaong nangagbibili ng mga baka at mga tupa at mga kalapati, at ang mga mamamalit ng salapi na nangakaupo: At ginawa niyang isang panghampas ang mga lubid, itinaboy niyang lahat sa templo, ang mga tupa at gayon din ang mga baka; at ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit, at ginulo ang kanilang mga dulang; At sa nangagbibili ng mga kalapati ay sinabi niya, Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal. Napagalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat, Kakanin ako ng sikap sa iyong bahay. Ang mga Judio nga'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Anong tanda ang maipakikita mo sa amin, yamang ginawa mo ang mga bagay na ito? Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw. Sinabi nga ng mga Judio, Apat na pu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo sa tatlong araw? Datapuwa't sinasalita niya ang tungkol sa templo ng kaniyang katawan. Nang magbangon na maguli nga siya sa mga patay, ay naalaala ng kaniyang mga alagad na sinalita niya ito; at nagsisampalataya sila sa kasulatan, at sa salitang sinabi ni Jesus. Nang siya nga'y nasa Jerusalem nang paskua, sa loob ng panahon ng kapistahan, ay marami ang mga nagsisampalataya sa kaniyang pangalan, pagkakita ng kaniyang mga tandang ginawa. Datapuwa't si Jesus sa kaniyang sarili ay hindi rin nagkatiwala sa kanila, sapagka't nakikilala niya ang lahat ng mga tao, Sapagka't hindi niya kinakailangan na ang sinoman ay magpatotoo tungkol sa tao; sapagka't nalalaman nga niya ang isinasaloob ng tao.
Basahin JUAN 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: JUAN 2:13-25
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas