Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 19:16-30

JUAN 19:16-30 ABTAG

Nang magkagayon nga'y ibinigay siya sa kanila upang maipako sa krus. Kinuha nga nila si Jesus: at siya'y lumabas, na pasan niya ang krus, hanggang sa dakong tinatawag na Dako ng bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota: Na doo'y ipinako nila siya sa krus, at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawa't tagiliran, at si Jesus sa gitna. At sumulat din naman si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa ulunan ng krus. At ang nasusulat ay, JESUS NA TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO. Marami nga sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagka't ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa bayan; at ito'y nasusulat sa Hebreo, at sa Latin, at sa Griego. Sinabi nga kay Pilato ng mga pangulong saserdote ng mga Judio, Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio; kundi, ang kanyang sinabi, Hari ako ng mga Judio. Sumagot si Pilato, Ang naisulat ko ay naisulat ko. Ang mga kawal nga, nang si Jesus ay kanilang maipako na sa krus, ay kanilang kinuha ang kaniyang mga kasuutan at pinagapat na bahagi, sa bawa't kawal ay isang bahagi; at gayon din naman ang tunika: at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas. Nangagsangusapan nga sila, Huwag natin itong punitin, kundi ating pagsapalaranan, kung mapapakanino: upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi, Binahagi nila sa kanila ang aking mga kasuutan, At ang aking balabal ay kanilang pinagsapalaran. Ang mga bagay ngang ito ay ginawa ng mga kawal. Datapuwa't nangakatayo sa piling ng krus ni Jesus ang kaniyang ina, at ang kapatid ng kaniyang ina, na si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak! Nang magkagayo'y sinabi niya sa alagad, Narito, ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan. Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako. Mayroon doong isang sisidlang puno ng suka: kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka sa isang tukod na isopo, at kanilang inilagay sa kaniyang bibig. Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa JUAN 19:16-30