Ang ilan sa kaniyang mga alagad nga ay nangagsangusapan, Ano itong sinasabi niya sa atin, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita; at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita: at, Sapagka't ako'y paroroon sa Ama?
Sinabi nga nila, Ano nga itong sinasabi niya, Sangdali na lamang? Hindi namin nalalaman kung ano ang sinasabi niya.
Natalastas ni Jesus na sa kaniya'y ibig nilang itanong, at sa kanila'y sinabi niya, Nangagtatanungan kayo tungkol dito sa aking sinabi, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita?
Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo'y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwa't ang sanglibutan ay magagalak: kayo'y mangalulumbay, datapuwa't ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan.
Ang babae pagka nanganganak ay nalulumbay, sapagka't dumating ang kaniyang oras: nguni't pagkapanganak niya sa sanggol, ay hindi na niya naalaala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanglibutan.
At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan: nguni't muli ko kayong makikita, at magagalak ang inyong puso, at walang makapagaalis sa inyo ng inyong kagalakan.
At sa araw na yaon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anomang tanong. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y hihingi ng anoman sa Ama, ay ibibigay niya sa inyo sa aking pangalan.
Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anoman sa pangalan ko: kayo'y magsihingi, at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.
Sinalita ko sa inyo ang mga bagay na ito sa malalabong pananalita: darating ang oras, na hindi ko na kayo pagsasalitaan sa malalabong pananalita, kundi maliwanag na sa inyo'y sasaysayin ko ang tungkol sa Ama.
Sa araw na yao'y magsisihingi kayo sa aking pangalan: at sa inyo'y hindi ko sinasabi, na kayo'y idadalangin ko sa Ama;
Sapagka't ang Ama rin ang umiibig sa inyo, sapagka't ako'y inyong inibig, at kayo'y nagsisampalataya na ako'y nagbuhat sa Ama.
Nagbuhat ako sa Ama, at naparito ako sa sanglibutan: muling iniiwan ko ang sanglibutan, at ako'y paroroon sa Ama.
Sinasabi ng kaniyang mga alagad, Narito, ngayo'y nagsasalita kang malinaw, at wala kang sinasalitang anomang malabong pananalita.
Ngayon ay nakikilala namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi nangangailangan na tanungin ka ng sinoman: dahil dito'y nagsisisampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Dios.
Sinagot sila ni Jesus, Ngayon baga'y nagsisisampalataya kayo?
Narito, ang oras ay dumarating, oo, dumating na, na kayo'y mangangalat, ang bawa't tao sa kanikaniyang sarili, at ako'y iiwan ninyong magisa: at gayon ma'y hindi ako nagiisa, sapagka't ang Ama ay sumasa akin.
Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo'y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni't laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.