Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin.
Hindi ko sinasalita tungkol sa inyong lahat: nalalaman ko ang aking mga hinirang: nguni't upang matupad ang kasulatan, Ang kumakain ng aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
Mula ngayon ay sinasalita ko sa inyo bago mangyari, upang, pagka nangyari, kayo'y magsisampalataya na ako nga.
Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinoman sinusugo ko ay ako ang tinatanggap; at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.
Nang masabing gayon ni Jesus, siya'y nagulumihanan sa espiritu, at pinatotohanan, at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.
Ang mga alagad ay nangagtingintinginan, na nangagaalinlangan kung kanino niya sinasalita.
Sa dulang ay may isa sa kaniyang mga alagad, na minamahal ni Jesus na nakahilig sa sinapupunan ni Jesus.
Hinudyatan nga siya ni Simon Pedro, at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin kung sino ang sinasalita niya.
Ang nakahilig nga sa dibdib ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sino yaon?
Sumagot nga si Jesus, Yaong aking ipagsawsaw at bigyan ng tinapay ay siya nga. Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote.
At pagkatapos na maisubo, si Satanas nga ay pumasok sa kaniya. Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Ang ginagawa mo, ay gawin mong madali.
Hindi nga natalastas ng sinomang nasa dulang kung sa anong kadahilanan sinalita niya ito.
Sapagka't iniisip ng ilan, na sapagka't si Judas ang may tangan ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kaniya, Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista; o, magbigay siya ng anoman sa mga dukha.
Nang kaniya ngang matanggap ang subo ay umalis agad: at noo'y gabi na.
Nang siya nga'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng tao, at ang Dios ay niluluwalhati sa kaniya:
At luluwalhatiin siya ng Dios sa kaniyang sarili, at pagdaka'y luluwalhatiin siya niya.
Maliliit na anak, sumasa inyo pa ako ng kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin: at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, Sa paroroonan ko, ay hindi kayo mangakaparoon: gayon ang sinasabi ko sa inyo ngayon.
isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa.
Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa.
Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, saan ka paroroon? Sumagot si Jesus, Sa paroroonan ko, ay hindi ka makasusunod sa akin ngayon: nguni't pagkatapos ay makasusunod ka.
Sinabi sa kaniya ni Pedro, Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko dahil sa inyo.
Sumagot si Jesus. Ang buhay mo baga'y iyong ibibigay dahil sa akin? Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi titilaok ang manok, hanggang ikaila mo akong makaitlo.