Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 11:17-36

JUAN 11:17-36 ABTAG

Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw na siya'y nalilibing. Ang Betania nga'y malapit sa Jerusalem, na may layong labing-limang estadio; At marami sa mga Judio ang nangakaparoon na kay Marta at kay Maria, upang sila'y aliwin tungkol sa kanilang kapatid. Si Marta nga, nang marinig niyang si Jesus ay dumarating, ay yumaon at sumalubong sa kaniya: nguni't si Maria ay nanatiling nakaupo sa bahay. Sinabi nga ni Marta kay Jesus, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ang kapatid ko ay hindi namatay. At ngayon man nama'y nalalaman ko na, anomang hingin mo sa Dios, ay ipagkakaloob sa iyo ng Dios. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magbabangon uli ang iyong kapatid. Si Marta ay nagsabi sa kaniya, Nalalaman ko na siya'y magbabangon uli sa pagkabuhay na maguli sa huling araw. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya; At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man. Sinasampalatayanan mo baga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang naparirito sa sanglibutan. At nang masabi na niya ito, ay yumaon siya, at tinawag ng lihim si Maria na kapatid niya, na sinasabi, Ang Guro ay narito, at tinatawag ka. At siya, nang marinig niya ito, ay nagtindig na madali, at pumaroon sa kaniya. (Hindi pa nga dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa dakong kinasalubungan sa kaniya ni Marta.) Ang mga Judio nga na kaniyang mga kasama sa bahay, at nangagsisialiw sa kaniya, pagkakita nilang si Maria, na siya'y nagtindig na madali at lumabas, ay nagsisunod sa kaniya, na inaakalang paroroon siya sa libingan upang doo'y tumangis. Si Maria nga, pagdating niya sa kinaroroonan ni Jesus, at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa sa kaniyang paanan, na sinabi sa kaniya, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ay hindi namatay ang aking kapatid. Nang makita nga ni Jesus na siya'y tumatangis, at gayon din ang mga Judiong nagsisitangis na kasama niyang dumating, ay nalagim siya sa espiritu, at nagulumihanan, At sinabi, Saan ninyo siya inilagay? Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, halika at tingnan mo. Tumangis si Jesus. Sinabi nga ng mga Judio, Tingnan ninyo kung gaano ang pagibig niya sa kaniya!

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa JUAN 11:17-36